Pagbangon mula sa trahedya
Source:  www.abs-cbnnews.com

Translation Tools
(I-click ang link sa itaas at may separate window na lilitaw
kung saan makikita ang listahan ng lahat ng translation tools
na maaring magamit para sa dokumentong ito.)

Sariwa pa ang bangungot para sa 12-taon na si Hannah Collante isang gabi ng Nobyembre nang lamunin ng apoy ang barangay nila.

Kasama ang bahay at ari-arian ng pamilya ni Hannah sa mga naabo.

"Ginising ako ni mama. Umaapoy na sa second house. Muntik pa maiwan 'yung bunso namin, konti na lang nakuha naming damit, tapos 'yung birth certificate namin, 'yung mga gamit sa school hindi na namin nakuha," ani Hannah.

"Lahat ng mga anak ko iyak ng iyak, lalo na 'yung panganay ko. Gusto pa niya balikan 'yung mga gamit niya lalo na 'yung mga libro niya sabi ko 'anak
wag na hayaan mo na 'yun,'" ani Maricel Collante, nanay ni Hannah.

Si Hannah ang panganay sa anim na anak ni Maricel. Nakita niya kung gaano kahirap sa buhay ang kanyang pamilya kaya naman nang masunog pa ang ilang konting ari-arian, parang walang-wala na talaga ang kanyang pamilya.

Pero sa kabila daw ng kanilang kalagayan, masaya pa rin ang kanyang pamilya.

"Kahit di kami makakain, masaya. Kapag naglalaro po kami as in laro talaga, taguan...nagtatago po kami sa ilalim ng papag," ani Hannah.

Sa lugar na tinupok ng apoy lumaki si Hannah kaya kahit wala na ay tandang-tanda pa niya ang itsura ng bahay at mga gamit na may dalang masayang alaala.

"Dito 'yung TV namin dati...dito 'yung kalan.... dito 'yung papag namin. Siksikan kami pati mga tita ko katabi namin... diyan nakasabit 'yung certificate nung first communion namin, 'yung mga laruan namin diyan," ani Hannah.

Marahil matatagalan pa bago muling maipundar ng pamilya ni Hannah ang mga gamit na nawala sa kanila.

Pero may higit daw na mahalaga bukod sa mga materyal na bagay.

"Siyempre ang laki ng pagkakaiba, 'yung kalagayan namin ngayon napakahirap," ani Maricel. "Nagpapasalamat na lang ako ang mga anak ko ligtas."

Pero ang pamilya ni Grace Taguba, hindi lang gamit ang nawala. Ang kuya ni Grace na si Mariano ang kaisa-isang bata na nasawi sa sunog.

"Wala kami ditong mag-asawa. Pauwi pa lang galing sa trabaho. May natanaw kaming usok. Iba na 'yung kaba ko pero pinapalakas pa ng asawa ko 'yung loob ko, sabi n'ya malayo daw pero nung may magsabi sa amin na sa lugar daw namin 'yung sunog, hindi ko na alam kung paano kami nakarating sa katabing bahay," ani Marilyn, nanay ni Grace.

Sa bahay ni Grace nagsimula ang sunog kaya naman pagdating ng mga magulang niya, abo na ang halos kabuuan ng kanilang bahay.

Ang walong taong kuya ni Grace ay namatay habang natutulog sa ikalawang palapag ng kanilang bahay.

Si Grace, 6, ang bunso ni Marilyn na maswerteng nailigtas ng isang kapitbahay.

Sa kabila ng kamusmusan ni Grace ay dama ng ina ang epekto ng trahedya sa anak.

"Si Mary Grace parang nag-mature siya. Sabi nga ng teacher minsan sa eskwelahan para siyang tulala kaya sabi ng teacher niya papasukin para'yung isip niya hindi magka-trauma," sabi ng ina.

Hirap din sa buhay ang pamilya ni Grace, pero katulad ng pamilya ni Hannah, sinisikap ng mga magulang niya na gawing masaya ang kanilang pamilya.

Nasawi man ang kuya ni Grace ay pinipilit pa rin ng pamilya na bumangon mula sa kalungkutan.