Mansyon ng mga patay
Source:  www.abs-cbnnews.com
Translation Tools
(I-click ang link sa itaas at may separate window na lilitaw
kung saan makikita ang listahan ng lahat ng translation tools
na maaring magamit para sa dokumentong ito.)


Pinuntahan ng Kontrobersyalang ilan sa pinakamalaki at magarang libingan kamakailan.

Sa ganda ng mga museleo ay nanaisin ng mga nabubuhay na tumira na sa mga ito.

Tahimik at maaliwalas ang kapaligiran pero hindi ito subdivision kundi isang pribadong sementeryo.

Hile-hilera ang malalaking istruktura na pawang mga mansiyon sa unang tingin.

Magagara ang mga ito at daig pa ang ilang bahay sa subdivision.

Isa sa mga museleo ay pag-aari ni Danny Concepcion, may-ari ng isang cargo shipping company.

Abala si Concepcion sa negosyo sa ibang bansa kaya ang kapatid niyang si Boc Concepcion ang naglibot sa grupo ng Kontrobersyal sa loob ng mala-palasyong museleo.

Sa pagpasok pa lang, walang naramdamang takot ang pangkat sa pagdalaw sa himlayan ng mga namayapa.

"Here's the kitchen. Ito 'yung dining area sa mga gustong kumain," ani Boc. "Ito ang pinaka-living room. The idea is, dito na rin gagawin ang burol tapos ang lapit ng paglilibingan 'di ba?"

Meron ding music at TV room ang libingan. Lahat ng kwarto ng museleo ay may airconditioning unit.

Tatlo ang banyo ng museleo at may maliit din itong bar at bilyaran pa.

Hindi rin mapapansin kung saan nakahimlay ang mga patay dahil sa ganda ng libingan nila. Tila mga silid ang mga crypt na kinaroroonan ng mga yumao.

"Ang mga parents ko nandito sa masters bedroom. Sila pa lang ang nakatira sa bahay na ito," ani Boc.

Hindi na pinabanggit ni Boc ang kabuuang halaga ng nagastos nila sa pagpapatayo ng magarang museleo. Basta ang sabi niya, kasing mahal ito ng isang condominium unit.

May sukat ang lote na 300 metro kwadrado. Binili ng pamilya Concepcion ng P25,000 ang bawat metro kwadrado ng lupa. Umaabot naman ng kulang P600,000 ang walong air-conditioning units ng museleo. Humigit-kumulang na P900,000 naman ang halaga ng pagpapagawa ng mga nitso na yari sa purong granito. Inabot naman ng P70,000 ang halaga ng aranya na nasa gitna ng museleo.

Sa gabi, mayroon pang gwardiyang nagbabantay dito. Mabuti na raw ang nagsisiguro sa ganito kamahal na museleo.

Para sa pamilya Concepcion, napapanatili nila ang pagiging malapit ng mga magkakamag-anak sa pamamagitan ng pagpapatayo ng museleo.

"The concept is 'yung family... kahit patay ka na, lagi kayo nagkikita," ani Boc.

"May [magagamit na] banyo [ang magkakapamilya], may libangan, may kitchen, may kainan," dagdag niya.

Sabi pa nga niya, mas maganda pang mamuhunan sa museleo kaysa sa bahay sa isang subdivision.

"Kung tayo kaya nating magpatayo ng luxurious homes, iiwan din naman natin 'yun, hindi naman permanent 'yun sabi ni Danny, 'Why not build something like this wherein dun ka [mailalagay pagdating ng kamatayan]," ani Boc. "Alam mo na agad na dun ka titira forever."

Si Mang Peter ang nangangalaga sa museleo. Anim na buwan na siyang nakatira dito kasama ang mga yumao.

"Nung first time ko, kinakabahan ako pero after two weeks wala na kaba ko," ani Mang Peter.

"Pag minsan iniisip mo, tatanaw ka sa bintana, meron kang makikitang [kakaiba] Pero wala naman akong naririnig," aniya.

Para kay Boc, mabuti nang pinaghahandaan ang patutunguhan sa mundo.

Wala na raw matataranta at maayos pa ang kalalagyan mo. Kaya naman meron nang pwesto sa museleo si Boc at iba pa niyang mga kapatid at kapamilya.

"These things are common. I don't feel creepy. They know exactly what I want," ani Boc.

Isa rin si Felimon Roque sa mga taong nais maging handa sa oras ng kanilang kamatayan.

Kawawa naman daw ang maiiwan niya kung hindi pa ayos ang kanyang kalalagyan. Bakante pa ang museleo ng pamilya niya.

"Doon naman tayo pupunta," ani Mang Filemon. "My son told me, they will eat their lunch here. [Sabi niya, 'Nandito kami] tuwing Christmas at All Saints Day.' Kaya 'yan, inayos ko na."

Hindi kasing gara ng museleo ng mga Concepcion ang ipinatayo ni Roque pero ang maliit na sukat ng libingan ito ay kasing halaga na ng isang bagong bahay at lupa.

"You should be surprised that some people build their mausoleum more expensive than their homes to keep the memory of their loved ones alive," ani Mang Filemon.

Inabot ng P2.2 milyon ang nagastos ni Mang Filemon sa museleo.

Galing pa ng Romblon ang marmol na ginamit sa paggawa ng nitso at ilang bahagi ng museleo.

Kulang-kulang P3 milyon naman ang halaga ng museleo ni Cecil Recio. Dito nakalibing ang nag-iisang anak na babae ni Aling Cecil .

Kasama ng anak ni Aling Cecil sa museleo ang sampu pa niyang kaanak na yumao na rin. Kahit magkano pa ang gastusin, balewala kay Aling Cecil, mabigyan lang ng magandang libingan ang anak na namatay dahil sa bone cancer sa edad na 16.

Ang dingding ng libingan ay yari sa Italian marble. Ito rin daw ang pinaka-importanteng bahagi ng museleo dahil dito nakalibing ang kanyang mga yumao. Agaw-pansin din ang mga stained glass na nakalagay sa labas ng museleo at loob nito.

Karaniwan daw na may-ari ng mga museleo ay mga Tsino.

Ayon kay Master Chao, isang sikat na eksperto sa feng shui, maraming paniniwala ang mga Tsino pagdating sa kanilang mga yumao.

"Sa Chinese, ayaw nila ililibing sa ilalim ng lupa kasi walang boundary. Pwede matapakan ng ibat-ibang tao," ani Master Chao.

Ayon kay Master Chao, ang isang yumao ay parang nagiging transmitter na nagbibigay ng signal sa kanyang mga naiwan. Sila ang nagpapasa ng mga signal na magsisilbing sagot sa mga problemang darating sa pamilyang naiwanan.

Pero kung ang yumao raw ay nasa loob ng museleo, maaaring maharangan ang mga signal na nais nitong ipahatid. Isa raw ito sa hindi magandang dulot ng pagpapatayo ng museleo.

"Pareho sa antenna, mas mataas, mas marami matatanggap. 'Yung swerete will last for many generations. Kung may bubong, e di naharang na 'yung antenna. [Pag] maliit hindi makakatangap marami station," aniya.

"Dito [sa] Philippines, 'yung Chinese-Filipino hindi magtatagal yaman hanggang tatlong generations lang because they built mausoleum," ani Master Chao.

Sabi pa ni Master Chao, kung minsan ay may kaakibat na kamalasan ang pagpapatayo ng ilang museleo.

"Lalo na [pag may] kubeta, hindi maganda Chinese practice kasi kubeta may septic tank 'yan. Within the burial lot siyempre mabaho, hindi pwede kasi malas," ani Master Chao.

'Yung mga caretaker, sila nakakapasok bahay. Hindi maiiwasan may mga asawa magromansa masama 'yon sa loob [ng] museleo, [masama] magromansa kapag may patay," dagdag niya.

Marami ang mamamangha sa ganda ng mga mala-palasyong museleo ng Angeles pero sari-sari rin ang opinyon ng mga tao.

"Maluho yata, libingan lang. Para sa akin maganda kaso mahal," ani Aling Dimetria.

"Nasa kanila na 'yun, kung kaya nilang gumastos ng ganyang kalaking halaga," ani Mang William.

Ayon naman kay Mang Bong, mas mahalagang makasama ang mga buhay kaysa pagkagastusan ang mga patay na.

"Kahit magulang mo pa o kapatid 'yung patay. Patay na 'yun, iba pa rin na buhay ang kasama mo," aniya.

Pero para sa mga nagmamay-ari ng mga museleo, lubos lang ang kanilang pagpapahalaga sa mga yumao.

Iginiit ni Boc na mahalagang paglaanan ang mga mahal sa buhay kahit namayapa na sila.

"Ang extravagance ay kung you use this to show off to people na you can afford. But this is for my parents at [ito] 'yung patutunguhan namin," aniya.

"'Yung ibang may mga kaya na pamilya, [nagpa] pasalamat sila sa late parents. Paano sila yayaman kundi [dahil sa kanilang] magulang. May kaya na sila kaya gusto [nila] bigyan maganda lugar [ang mga kapamilya] to rest in peace," ani Master Chao.

Mahirap man o nakakaangat sa buhay ay may kanya-kanyang paniniwala pagdating sa paglilibing ng mga yumao. Ang mahalaga raw ay ang taos-pusong panalangin para sa matiwasay na paglalakbay ng ating mga yumao patungo sa kabilang buhay kahit magpatayo ng malaking museleo o maliit na puntod lang ang mga pamilya.