Estudyante blues ng mga bata sa Benguet

anarule.gif (1534 bytes)

Translation Tools
(I-click ang link sa itaas at may panibagong "window" na lilitaw
kung saan makikita ang listahan ng lahat ng translation tools
na maaring magamit para sa dokumentong ito.)



"ABAKADA sa eskwela"
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS,
Lunes, 11:30 p.m.

Ulat ni Gigi Grande

BOKOD, Benguet - Batay sa mga panuntunan ng pamahalaan, libre ang edukasyon sa pampublikong mga eskwelahan mula elementarya hanggang mataas na paaralan. Pero ang problema, 70 porsyento ng mga estudyante sa pampublikong mga paaralan ang hindi nakapagtatapos ng pag-aaral.

Ito ang kinabukasang maaaring kaharapin ng ng mga mag-aaral na nagbalik-eskwela sa Sitio Bulo sa Bokod, Benguet, nitong Hunyo.

Sinamahan ng The CORRESPONDENTS ang ilang kabataang residente ng Bulo sa pagpasok sa paaralan. Ang pinakamalapit nilang paaralan, mararating matapos ang isa't kalahati hanggang dalawang oras na paglalakad. Depende pa ito kung gaano kabagal o kabilis ang paglalakad ng isang tao.

Kasama ng The CORRESPONDENTS sa pagpasok noong araw na iyon ang estudyante na nakilala lang sa pangalang si "Jason."

Mahirap lang ang pamilya ni Jason pero araw-araw, gumagawa sila ng paraan para makapag-almusal siya para sa mahabang paglalakad patungong eskwelahan.

Ayon kay Jason, mabuti nang nakakain siya ng almusal dahil mahirap matuto ng leksyon kapag gutom.

Sa lahat ng magkakapatid, si Jason ang unang kumakain sa umaga dahil siya pa lang ang pumapasok sa paaralan. Kung mayroon siyang matira, iyon ang pinaghahatian ng kanyang mga kapatid.

Matapos ang almusal, handa na si Jason sa pagpasok sa paaralan. Matarik at madulas ang daan patungo sa eskwelahan mula sa bahay ni Jason.

Pero hindi ito iniinda ng bata at ng mga kasama niya. Anila, sanay na sila sa paglalakad.

Hindi nagsusuot ng sapatos sina Jason sa pagpasok sa eskwela. Sa halip, tsinelas o bota ang gamit nila. Ngunit kung tutuusin, wala ring sinabi ang tsinelas o bota sa layo ng nilalakad ng mga mag-aaral sa araw-araw.

Bago umabot ang kalagitnaan ng taon, marami sa mga bata, ayon kina Jason, nagyayapak na lang dahil madaling mapudpod ang kanilang tsinelas at bota.

Kabute para kay ma'am

Habang nasa daan, namumulot ng mga kabute ang mga bata. Anila, ibibigay nila ang gulay sa kanilang guro.

Ang guro nila ay si Jo-Ann Anselmo, isa sa apat na nagtuturo sa kaisa-isang paaralan sa Bulo.

Kumpara sa mga paaralan sa Maynila na 7 p.m. ang simula ng klase, sa paaralan nina Anselmo, 8 a.m. ang umpisa ng pag-aaral.

Sa kabila nito, marami pa rin sa mga estudyante ang nahuhuli sa pagpasok.

Sa pagdating ng mga bata, karamihan sa kanila ay maputik na ang mga tsinelas at bota. Bunga nito, pinapaiwan na ang mga sapin sa paa sa labas ng silid-aralan. Kaya sa loob ng silid-aralan, nakayapak na lang ang mga mag-aaral.

Sa loob ng silid-aralan, pawang pinutol na mga sanga at katawan ng punongkahoy ang gamit na upuan ng mga mag-aaral. Bagama't nagkukulang ang ibang paaralan sa mga upuan, sa paaralan sa Bulo, sapat ang kanilang mga silya kahit matitigas ang mga ito.

Napag-alaman ng The CORRESPONDENTS na mismong mga magulang at mag-aaral ang pumuputol sa mga puno upang gawing upuan sa mga silid-aralan.

Ngunit problema pa rin dahil sapat nga ang bilang ng upuan, kulang naman ang silid-aralan. Bunga nito, pinagsama-sama na ang mga estudyante ng Grade One at Grade Two.

Pero problema pa rin dahil habang nakatuon ang pansin ng guro sa mga estudyante ng Grade One, napapabayaan niya ang mga estudyante ng Grade Two.

Apat lang ang silid-aralan sa buong eskwelahan sa Bulo. Aminado ang mga guro na apektado nito ang mga pag-aaral ng mga bata.

Problema nila ang ingay dahil totoong hindi maiintindihan ng mga estudyante ang kanilang binabasa kung maingay ang ibang bata sa silid-aralan.

Tuwing tanghalian

Sa eskwelahan nina Jason, mayroong pahinga ang mga mag-aaral upang kumain ng tanghalian. Pero ang ibang mga bata, halos walang makain o di kaya, walang dalang pagkain.

Kaya ang mga bata, naglalaro na lang upang makalimutan ang gutom.

Kabilang sa mga naglalaro na lang tuwing tanghali si Jason. Tulad ng karamihan sa mga kaklase, ang almusal ni Jason ang tanging kakainin niya para sa araw na iyon.

Mayroong mga bata na swerteng nagbabaon ng kanin. Pero ang kanin nila, walang ulam. Wala silang kahit asin o toyo para pampalasa. Kahit tubig na inumin, wala rin.

Ayon kay Anselmo, batid nilang inaantok ang mga bata matapos ang tanghalian. Batid na nila ang sanhi nito. Inaantok ang mga mag-aaral dahil sa gutom at pagod.

Samantala, pagsapit ng 1 p.m., madilim na ang paligid sa loob ng silid-aralan. Wala ring magawa ang mga guro at estudyante dahil hindi konektado sa kuryente ang mga silid-aralan.

Sabi ng estudyanteng si "Jennifer," mahirap mag-aral sa dilim. "Kailangan po namin ng kuryente para sa mga proyekto namin sa Science."

Sabi rin ng estudyante, kahit kailan ay hindi pa nagkaroon ng kuryente sa kanilang paaralan.

Bukod sa paaralan, wala ring kuryente sa tahanan ng mga bata. Ang totoo, iilan pa lang sa mga estudyante ang nakapanood ng telebisyon. Ang karamihan, hindi alam kung ano ang kagamitang ito.

Higit silang inosente sa personal computer.

Pero sa kabila ng mga kakulangang ito, umulan at umaraw ay nagtitiyaga sa pagpasok sa paaralan ang mga estudyanteng tulad ni Jennifer.

Nag-aaral pa rin sila nang mabuti kahit kandila o gasera lang ang tumatanglaw sa kanila sa gabi.

Ganito magsikap sa pag-aaral ang mga estudyanteng tulad ni Jennifer. Aniya, nais niyang makapagtapos sa kolehiyo at maging guro. "Gusto ko pong matulungan ang mga magulang ko," aniya.

Masasabing simple ang pangarap ni Jennifer pero malaking bagay ito para sa isang bata at sa mga katulad niya na nag-aaral sa malalayo at liblib na lugar tulad ng Bulo.

Apat na oras

Pero kung tutuusin, swerte pa ang mga estudyante sa Bulo. Sa kanilang lugar, hanggang dalawang oras lang ang pinakamatagal na paglalakad bago makarating sa paaralan.

Ngunit sa komunidad ng Naswak sa isang bahagi ng Benguet, higit na mahirap at mahaba ang paglalakad na kinakailangan.

Kailangan ng mga bata na naninirahan sa Naswak na maglakad ng apat hanggang anim na oras para makapasok sa eskwelahan. Ibig sabihin, kung 7 a.m. ang simula ng klase, 3 a.m. pa lang ay kailangan nang simulan ang paglalakad.

Bunga nito, halos wala nang lakas ang mga mag-aaral bago makarating sa eskwelahan.

Saksi ang The CORRESPONDENTS sa paghihirap na ito ng mga mag-aaral at kanilang mga magulang. Nakasalubong ng grupo ang magkakapatid na estudyante habang patungo sa paaralan.

Malayo ang kanilang lalakarain at hindi ito pinadali ng malamig na mga patak ng ulan.

Kasama ng magkakapatid ang kanilang ina na may karga sa kanyang bunso. Ayon sa babae, kailangan niyang ihatid araw-araw ang mga bata.

Ginagawa ito ng babae dahil maraming malalalim na bangin sa daan patungo sa eskwelahan at hindi malayong madulas ang mga bata lalo na kapag naglalakad sa dilim.

Bukod dito, nagkalat ang mga linta sa bahaging iyon ng gubat na daanan ng mga estudyante.

Matapos ang mahabang paglalakad, nakarating din ang mga mag-aaral at grupo ng The CORRESPONDENTS sa Paaralang Elementarya ng Naswak.

Ayon sa mga guro, 20 taon na mula nang maitayo ang paaralan. Pero taon-taon, bumababa ang bilang ng mga estudyante rito.

Nitong Hunyo 2005, may 36 na estudyante ang nagpatala sa paaralan para sa Grade One hanggang Grade Six. Ang bilang na ito ay kalahati na lang kumpara sa mga estudyante ng nakalipas na taon.

Sa pagkahaba-haba ng panahon, mistulang walang kongresista o alkalde na nakaisip magbuhos ng pondo upang gawing higit na madali para sa mga estudyante ang makarating sa paaralan.

Bunga nito, marami sa mga bata ang napipilitang lumiban sa klase lalo sa kalagitnaan ng taon. Kapag palagiang lumiliban ang estudyante, nahihirapan silang makahabol sa leksyon. Kaya ang resulta, tuluyan na silang hindi sumisipot sa klase.

Matagal nang hiling ng mga magulang na magkaroon ng isang dormitoryo o kahit bahay na pansamantalang matutuluyan ng mga bata habang nag-aaral. Hiling din nila, magkaroon ng kalsada mula sa kanilang komunidad patungo sa paaralan.

Tulad ng paaralan sa Bulo, wala ring kuryente sa Naswak.

Ngunit may nagkawanggawa na magdonasyon ng generator sa paaralan. Ngunit problema rin nilang madalas ang pambili ng gasolina at kung paano ito bibilhin dahil kailangan nilang dumaan ng maraming bundok bago makabili ng kinakailangan.

Kaya madalas, nakatago na lang ang generator.

Kumot para kina nanay

Madaling makalimutan ng pamahalaan ang mga paaralang tulad ng makikita sa Naswak dahil sa layo at hirap nitong mapuntahan. Hindi karaniwan ang paaralang tulad nito pero hindi rin natatangi o nag-iisa.

Naiiwan ang mga bata sa lahat. Hindi pa sila nakakakita ng computer o TV at bihira silang makakita ng cellular phone.

Maging ang mga aklat at kagamitan sa pagtuturo, pinag-iwanan na rin ng panahon.

Sa isang larawan sa silid-aralan, ang dating pangulong Fidel Ramos pa rin ang nakalagay na pangulo ng Pilipinas. Mabuti na lang, batid ng mga bata tulad ni "Nory" na ang Pangulong Gloria Arroyo na ang namumuno sa bansa.

Isa si Nory sa mga bata na naninirahan malapit sa paaralan. Batid ng bata na swerte siya dahil hindi niya kailangang maglakad nang malayo tulad ng ibang kaklase.

Kaya aniya, nagsisikap siyang mag-aral na mabuti. Aniya, "Ang pangarap ko paglaki ay maging titser."

Sa mundong ginagalawan ni Nory, malaking pera na ang kakaunting sweldo ng isang guro. Simple lang ang pangarap ni Nory kapag naging guro na siya: makapag-ipon ng pera para maibili ng kumot ang kanyang pamilya.

Kumot lang ang tanging pangarap ng bata at hindi bahay, kotse o cell phone. Aniya, kailangan nila ng kumot upang hindi ginawin sa gabi ang mga magulang at maliliit na kapatid.

Edukasyon nabahiran ng pulitika?

Saksi ang The CORRESPONDENTS sa pagpasok ng mga estudyante sa paaralan. Pagsapit ng 9 a.m., naroon na ang mga estudyante at magulang na naghatid sa kanila.

Ngunit ang problema, kulang pa rin ang mga guro. Iyon pala, kanselado ang klase at unang linggo pa lang ng pagpasok ay ilang araw na ang nasayang.

Ang problema, pinag-aagawan ng mga lalawigan ng Nueva Vizcaya at Benguet ang sitio ng Naswak.

Napag-alaman ng The CORRESPONDENTSna nagmula sa Benguet ang pondo na ipinagpatayo ng paaralan pero ang lupa ay sakop ng Nueva Vizcaya.

Noong araw na iyon, nabatid ng The CORRESPONDENTS na ipinatawag ng pamunuan ng mga eskwelahan sa distrito ng Bokod ang mga guro sa Naswak dahil sa usapin sa hangganan ng paaralan.

Noong araw na iyon, nasayang lang pala ang mahabang paglalakad ng mga bata. Halos maligo na nga sa ulan at napudpuran pa ng tsinelas, naipit pa sila sa pulitika.