Bangis ng terorismo
Source:  www.philstar.com

anarule.gif (1534 bytes)

Translation Tools
(I-click ang link sa itaas at may separate window na lilitaw
kung saan makikita ang listahan ng lahat ng translation tools
na maaring magamit para sa dokumentong ito.)

 

PAANO kung may suicide bomber na nakalusot sa guwardiya at makihalo sa mga pasahero ng LRT? Paano kung may suicide bomber na nakipagsiksikan sa isang bus at pinasabog ang sarili? Paano kung may suicide bomber na nakapasok sa isang mataong palengke? Simple lang ang kasagutan. Marami ang mamamatay.

Ganyan ang ginagawa ng mga suicide bombers sa Iraq, Palestinian Hamas at Tamil rebels sa Sri Lanka. Pinupuksa ang kapwa.

Banta na ang terorismo sa maraming panig ng mundo at ipinakita nila ito nang wasakin ang Twin Towers sa New York noong September 11, 2001. Ipinamalas sa ginawa nilang pagbomba sa Bali, Indonesia noong 2002 at inulit kamakailan. Nagkaroon nang pambobomba sa London. Maski sa Saudi Arabia na birthplace ni Osama bin Laden, ang arkitekto ng 9/11 attack ay niyayanig ng pambobomba. Maraming buhay ang nasayang dahil sa terorismo. Paano malilimot ang mga nangyaring sunud-sunod na pambobomba sa Pilipinas noong Dec. 30, 2000 kung saan maraming namatay.

Limang sunud-sunod na pagsabog ang naganap. Pinakamarami ang namatay nang pasabugin ang coach ng LRT sa Blumentritt Station. Nang mahawi ang usok, natambad ang mga patay, sabug-sabog ang kanilang mga katawan, at nagkalat ang mga ihahandang pagkain bilang pagsalubong sa Bagong Taon.

Sino rin ang makalilimot sa pagbomba sa Sasa Wharf sa Davao City, sa SuperFerry at sa isang bus sa Makati? Sa kabila ng mga pagsalakay na ito, wala pa ring batas para lubusang malabanan ang terorismo. Samantalang ang ibang bansa ay may mga batas na laban sa terorismo, nangangapa naman ang Pilipinas kung paano ang gagawin para labanan ang mga terorista.

Sa kawalan ng batas, labas-masok ang mga terorista sa bansa at dito pa umano nagsasanay. Ang dalawang Jemaah Islamiyah militants na naghanda ng bombang ginamit sa Bali ay dito umano nagsanay at kinupkop pa ng Abu Sayyaf.

Limang batas sa anti-terrorism ang nakabimbin at inaalikabukan lamang sa Senado. Maraming tumututol para maisabatas sapagkat gagamitin daw para sikilin ang karapatan. Habang nagtatalu-talo ang mga mambabatas sa anti-terrorism bill, nasa tabi-tabi lamang ang mga suicide bombers at naghihintay lamang ng hudyat para maghasik ng lagim.