May Giyera Dahil May Kumikita

Ni Gregorio "Gringo" Honasan

Translation Tools
(I-click ang link sa itaas at may separate window na lilitaw kung saan makikita ang listahan ng lahat ng translation tools na maaring magamit para sa dokumentong ito.)

Buod ng Artikulo

 

 

Maikling Pagsasanay

Hindi gaanong nabigyan ng kaukulang espasyo (sa diyaryo) at ere (sa TV at radyo) ang Aug. 8, 2005 halalan sa ARMM (Autonomous Region of Muslim Mindanao). Natabunan ito ng alingasngas sa panibagong tangka umano ng Abu Sayyaf na maghasik ng lagim. Pero, marami ang nakapansin, kapag pala raw ginusto ng gobyerno -- ilang araw pa lang paglipas ng eleksyon -- kaya nang mabilis na makapagbilang at makapagdeklara ng nanalo ang Commission on Elections (Comelec).

Ayon sa Comelec, lamang ng mahigit 300,000 boto si Zaldy Ampatuan, minanok ng gobyerno (na ikinatampo ng incumbent na si Parouk Hussin), bilang gobernador. Kaya’t handa na ang Comelec na iproklama sila ni A. Adiong bilang bise gobernador -- sukdulang walang malawakang computerisasyong ipinatupad sa halalan.

Tinalo ni Ampatuan ang 10 mga kapatid nating lider sa Katimugan na tumakbo, pero ang karamiha’y nagsiurong sa huli. Unang naitalagang pamunuan ang ARMM ni Zacarias Candao, sumunod si brother Nur Misuari ng Moro National Liberation Front (MNLF). Pinakahuli si Hussin na inetsapuwera ng GMA administrasyon matapos igiit nito ang mga isyung-MNLF. Hindi naisulong ng Oposisyon sa ARMM elections of 2005 ang ideyang "tama at nasa hulog" ang argumentong bendikasyon nilang maipagwagi ng "United Opposition candidate" (laban sa admin candidate) ang inuusig nilang mga isyu laban sa panggagantso at pagmamalabis ng pamahalaan.

Silang lahat na mga kandidato ay puspusang nanligaw upang mapasagot ng matamis na Oo ang humigit-kumulang sangmilyong botante mula sa limang probinsyang sakop ng ARMM. Pero mga kalahating milyon lang ang bumoto (mga beynte-porsyentong dagdag daw iyon kumpara sa nagdaang halalang ikinapanalo ni Hussin), upang desisyunan ang kinabukasan ng dalawang milyong populasyon ng ARMM.

Silang lahat na nangalandakang mahal nila ang sambayanang taga-Mindanao ay inaasahang hindi mapapako sa gasgas nang mga pamumulitikong-pangako na ang Lupang Pangako ay kaya nilang gawing tunay na "Land of Promise" (siyang turing sa Mindanao, mula pa noong tayo’y nasa elementarya) na nabubuhay sa kapayapaan.

Pero hindi lang po kapayapaan (Peace and Security) ang pinakamahalagang isyu sa buong Mindanao -- noon, ngayon at bukas.

Mabigat na suliranin din sa ARMM at buong Southern Philippines, palagi kong naririnig na iniaangal ng mga tagaroon, ang kahirapan, sakit at kalituhan bunga ng "kamangmangan" (na, kundi man sinasabing likas, ay gawa-gawa lamang ng ilan, o nakalulugdan nang papelin ng mayorya, kung minsan, ang kasalatan o kakapusan sa edukasyon). Ibang problema pa rin ang pakiramdam nilang kapabayaanan ng sentro ng gobyerno sa Maynila.

Hindi kadalasang sinasalot ang Mindanao ng likas na mga kalamidad ng buhay. Gawang-tao na wala sa hulog o katinuan ang panggagahasang ipinaiiral doon. Napakayaman ng lupain at karagatan ng Mindanao. Likas na masasaya, masisipag at matahimik na nagsisipamuhay rito kapwa Lumad at Kristiyano. Dangan nga lamang at pinagsasamantalahan ang Mindanao ng kapwa kababayan at dayuhan. Pilit na ihinihiwalay ang Mindanao ng mga federalista at kauring "kami-kami, kayo-kayo, kanya-kanya" sa Republika, samantalang sakop ng buong Kamindanawan ng Pilipinas pati Sabah ng Sultanado ng Sulu sa kauna-unahang kasaysayan ng ating pagkabansa -- kung tutuusin. Sa unang sibilisasyon pa lang ng Tsino sa kasaysayan ng mundo, akmang "globalisado" at nakikipagkalakalan na tayo (tanungin po natin ang mga taga-Butuang kaibigan ng mga Emperador na Intsik) sa lahat ng panig ng daigdig.

Hindi nasakop ng mga Portuges-Espanyol ang Mindanao, at ginawang tapunan ito ng mga nagtatapang-tapangang pulis at militar sa Maynila (upang mapanuto at mapatino) sa panahon ng martial law. Pero nagkaluray-luray ang Mindanao sa kamay ng iba’t ibang kulay at hilatsa ng mga uring-gahaman.

Buhos ang pondo ng mga Amerikano at Europeo ngayon sa Mindanao (paglipas ng 911 at malaya pa ring nakapananakot si Osama bin Laden kahit pa bihag na ng Kanluran si Saddam Hussein). Layon ng bagong pansin ng Kanluranin ang mapaunlad ang naghihikahos sa Katimugan, at nawa’y hindi sila basta-basta mabitag at marahuyo sa anyaya ng terorismo, rebelyon at pakikipagwatak-watak sa Inang Sambayanan.

Nakatitiyak naman sana ang mga botanteng taga-Mindanao na hindi ito ang puno’t dulo ng pagnanasa ng lahat ng nananalong kandidatong lingkodbayan sa sentro ng kapangyarihang-ARMM?

Dahil maaalalang lahat ng bagay, pangyayari at tauhang nanggulo sa katiwasayan ay nagdaan, umalis at nagpabalik-balik na sa mga kamay, dibdib, kandungan at puwerta ng Mindanao. Hindi na ito napayapa sa kagigiyerang harapan at tapatan, kundi man trayduran at malayuan, gayundin, sa digmaan o pagpipingkian ng puso at isipan. Noong araw, pondo at armas ang ipinupuslit para sa mga may ibabayad na "warlords" at kani-kanyang mga "private armies" na tinatawag, kababayan man o dayuhan. Nauso rin doon noong nakaraang hindi kalayuan (not so distant past) ang milyun-milyong dolyares na kidnap-for-ransom modus operandi ng mga de-armas at may katungkulan. Kung hindi lang nabulgar sa buong mundo ng vigilanteng world press at media mula noong mapatay ang isang misyonerong Amerikano dahil walang ransom money na nakarating, marahil, nagkabulsahan na ang mga tagapamagitan, malamang sa hindi na patagong magpapatuloy ang negosyohan at aregluhang ito na nagdawit pa nga sa ilang tagapanalig ng nagdaang gobyerno bilang middlemen na may milyones ding cut o komisyon sa transaksyong bawat ulo ang nabibihag at pinawawalan ng mga hurementadong mersenaryong rebelde ay siguradong may kita. Maaalala rin ang reklamo ng mga batang opisyales at kawal sa akusasyon laban sa umano’y malawakan kundi man patagong bentahan ng bala, baril at ibang materyal-panggiyera sa pagitan ng sundalo at rebelde na, iniulat ding may basbas daw ng establisimiyentong militar, kahapon at ngayon.

Tama na. Sobra na. Hindi pa po ba?

Bakit nagpapatuloy ang giyera sa Mindanao na parang war movie o pelikulang bakbakan at ratratan na never-ending ang story? Dahil ninenegosyo at pinagkakakitaan ng mga gahaman ang digmaan, ayon sa mga Pilosopong Tasyo sa lansangan. Sa ibang bansa ba’y ganito rin? Your guess is as good as mine...


MAGPARAMDAM sa email honasan_gregorio@ yahoo.com , sa text +639195672917, at sumali sa ating e-group na Go Write from the Heart sa gog710@ googlegroups.com sa pamamagitan ng pagbisita sa http://gog710. blogspot. com . Bumoto sa ating media freedom and responsibility survey.

Texto mula sa: http://www.abante.com.ph/issue/aug1305/opinion_gh.htm

Maikling Pagsasanay

This space shows a quiz in java-enabled browsers