Kaguluhan sa Mindanao, 'Di Militarisasyon ang Kasagutan

Ni BnK Hunyo
Translation Tools
(I-click ang link sa itaas at may separate window na lilitaw kung saan makikita ang listahan ng lahat ng translation tools na maaring magamit para sa dokumentong ito.)

Buod ng Artikulo

 

 

Maikling Pagsasanay

Base sa mga ulat sa pahayagan at balita sa telebisyon, mukhang puwersang militar ang pangunahing solusyon ng pamahalaan sa kaguluhan sa Mindanao.

Sa kasalukuyan, umaabot na sa libo-libong pamilya ang naapektuhan ng labanan sa pagitan ng mga pwersa ng gobyerno at iba’t ibang armadong grupo sa Mindanao. Kabilang na dito ang mga pamilyang nasa produksyon ng palay at mais. Sa ngayon, madami sa mga pamilyang ito ang humihiling na sana’y matapos na ang kaguluhan sa rehiyon upang makabalik na sila sa kanilang mga hanapbuhay. Ang pamahalaan nama’y nangangakong malapit na nitong magapi ang mga rebelde sa Mindanao.

Kung susuriin ang kasaysayan ng rehiyon, malinaw na may malalim na ugat ang suliranin ng mga naninirahan dito. Sa isang makasaysayang kumperensyang ginanap sa pagitan ng Lumad, Moro at mga settlers noong nakaraang Pebrero, lumabas na madami sa mga sala-salabat na problema sa rehiyon ay nakaugat sa ‘di pagkilala ng pamahalaan sa kanilang karapatan sa lupa.

Sa pagtingin ng mga delegado ng Mindanaw Tri-People Conference on Land for Peace, ang kapayapaan sa buong Mindanao ay nakasalalay sa pagkilala ng karapatan ng mga Lumad at Moro sa kanilang mga lupang ninuno. Mahalaga rin ang kagyat na pagsauli at pagtatalaga sa kanila sa mga lupaing ito.

Subalit madaming problemang nakaharang para makamit nila ang mithiing ito.

Isa na dito ang pangangamkam ng mga pribadong kumpanya (lalo na ‘yung mga kumpanya ng pagmimina, pagtotroso, at mga plantasyon) sa mga lupang ninuno ng mga Moro at Lumad. Sinabi pa ng mga delegado na bagamat kinikilala ng Saligang Batas ang karapatan ng mga indigenous peoples (IPs) at mga Moro sa kanilang mga lupang ninuno, hindi naman naipapatupad ang mga batas at reglamento (tulad ng Indigenous People’s Rights Act o RA 8371) na siya dapat magtiyak ng karapatang ito. Katunayan, anila’y magmula nang ipasa ang IPRA ay wala pang konkretong hakbang ang pamahalaan upang ipatupad ang mga probisyon ng nasabing batas, lalo na pagdating sa pamamahagi ng Certificate of Ancestral Domain Title (CADT), na siyang instrumentong kumikilala sa karapatan ng mga katutubo sa kanilang lupang ninuno.

Banta rin sa pagtiyak ng kanilang karapatan sa lupa ang umano’y pagkiling ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Antonio Cerilles sa mga malalaking kumpanya na pumapasok sa mga lugar na tinuturing na sagrado ng mga katutubo. Sinabi ng mga delegado ng kumperensya na hindi maasahang itataguyod ni Cerilles ang kapakanan ng mga katutubo sa kanilang ancestral domain dahil si Cerilles umano ay kilalang big-time logger.

Matagal na ang pakikibaka ng mga katutubo upang ipaglaban at protektahan ang lupang iniwan sa kanila ng kanilang mga ninuno mula sa pangangamkam ng mga tagalabas. At ang waring mabagal na pagkilos at pagtetengang-kawali ng pamahalaan sa kanilang mga kahilingan ay tanda umano ng kawalang pagpapahalaga ng pamahalaan sa kultura at karapatan sa lupa ng mga katutubo.

Ganunpaman, hinihingi pa rin ng iba’t ibang grupong Moro, Lumad at settlers na aksyunan ng pamahalaan ang dumadaming kaso kaugnay sa mga "problematic landholdings" na sakop ng mga Moro, Lumad at setllers. Dapat din umanong tiyakin na ang mga ahensya ng pamahalaan, pangunahin na ang DENR, National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) at Department of Agrarian Reform (DAR) na maitataguyod ang karapatan sa lupa ng mga Moro, Lumad at setllers sa Mindanao. Dagdag dito, hiniling din ng mga kinatawan ng mga grupong Moro, Lumad at settlers sa pamahalaan na huwag pahintulutang magmay-ari ng lupa sa Pilipinas ang mga dayuhang negosyante at mamumuhunan.

Kung gagawing batayan ang kahilingan ng mga Moro, Lumad, at settlers sa Mindanao, malinaw na hindi pwersang militar ang kailangan para malutas ang kaguluhan sa rehiyon. Malinaw na ang susi ay nasa pagtugon sa mga matagal nang kahilingan at panawagan ng mga katutubo na kilalanin ng pamahalaan ang kanilang karapatan sa lupa.

Texto mula sa: http://www.ppi.org.ph/publications/sp/bnk/bnk062000.htm

Larawan mula sa http://www.abs-cbn.com/starcinema/movies/bagongbuwan/images/mast1.gif

Maikling Pagsasanay:

This space shows a quiz in java-enabled browsers