Melchora Aquino
(Tandang Sora)
Dahil sa kanyang angking kagandahan, madalas gumanap si
Tandang Sora bilang Reyna Elena ng Santacruzan tuwing sasapit ang buwan ng Mayo. Madalas
din siyang maimbitahan upang bumasa ng pasyon tuwing sasapit ang Mahal na Araw dahil sa
husay ng kanyang tinig sa pag-awit.
Si Tandang Sora ay ikinasal kay Fulgencio Ramos na siyang
cabeza de barangay ng Banlat, Caloocan, Rizal noong panahong iyon. Nagkaroon sila ng anim
na supling ngunit maaga siyang naulila ng asawa. Sa pagpanaw ng kabiyak, siya ang tumayo
bilang ina at ama ng kanilang mga anak.
Tumulong si Tandang Sora sa pagpuno ng pangangailangan ng mga
katipunero noong panahon ng rebolusyon.
Binibigyan niya ang mga ito ng bigas, kalabaw, at iba pang
gamit na kinakailangan. Tinulungan din niya ang mga may karamdaman at may kapansanan.
Dahil sa kanyang pagtulong sa mga rebolusyonaryo, siya ay dinakip at ipinabilanggo.
Si Tandang Sora ay pilit na pinaamin kung saan nagtatago si
Bonifacio at ang mga kasama nito, ngunit hindi siya napilit ng mga mananakop. Dahil dito,
ipinatapon siya sa Guam ngunit nang lumaon ay nakabalik din siya sa Pilipinas.
Si Tandang Sora ay nabuhay ng may 107 taon.
Francisco Baltazar
(Balagtas)
Nagmula si Francisco Baltazar sa Panginay, Bigaa, Bulacan.
Ang Bigaa ay kilala na ngayon sa tawag na Balagtas.
Si Balagtas ay nagpunta sa Tondo at nanilbihan kapalit ng
libreng pag-aaral. Nag-aral siya sa Colegio de San Jose at San Juan de Letran kung saan ay
nakilala siya bilang magaling na manunulat ng mga liham ng pag-ibig (love letters) para sa
kanyang mga kaibigan.
Isa sa kanyang mga guro si Mariano Pilapil na siyang may akda
ng "Pasyon." Si Mariano Pilapil ang nagbigay sa kanya ng lakas ng loob upang
sumulat ng mga tula.
Naging kaibigan ni Balagtas ang manunulat ng tula na si Jose
de la Cruz (Huseng Sisiw), na siyang tumulong sa kanya upang isaayos ang kanyang mga unang
likha. Mula sa Tondo ay lumipat siya sa Pandacan noong taong 1835. Doon ay gumaan ang
kanyang pamumuhay sa pamamagitan ng kanyang pagsulat ng mga awit, corridos, at moro-moro.
Si Balagtas ay umibig kay Maria Asuncion Rivera. Ang kanya
namang karibal dito ang nagpabilanggo sa kanya. Sa loob ng bilangguan ay naisulat niya ang
kanyang pinakadakilang likha, ang Florante at Laura na siyang inialay niya kay Maria
Asuncion na tinawag niya bilang "Celia."
Nang siya ay makalaya noong 1840, nagpunta si Balagtas sa
Bataan at doon ay nakilala at pinakasalan niya si Juana Tiambeng ng Orion. Doon, si
Balagtas ay naging tenyente, naging hukom ng sinasakang lupain, at hukom-tagapagsalin.
Noong taong 1856, si Balagtas ay muling nahatulan sa isang
pagkakamaling matagal na niyang nagawa - ang pag-aahit ng buhok sa ulo ng tagapaglingkod
ng isang mayaman. Dahil lamang dito ay naatasan siyang mabilanggo ng apat na taon sa
Bataan provincial jail at Bilibid.
Matapos ang kanyang muling pagkabilanggo, ginugol niya ang
kanyang mga huling taon sa pagsulat pa ng mga tula at pagsasalin ng mga dokumentong
Kastila sa wikang Filipino upang tugunan ang pangangailangan ng kanyang pamilya.
Sa kanyang mga huling sandali, ibinilin niya sa kanyang mahal
na asawa na huwag hayaan ang isa man sa kanilang mga anak na maging tulad niyang manunulat
ng tula. Sa kabila nito, dalawa sa kanyang mga anak na lalaki ang nagmana ng kanyang
talino sa pagsulat.