anabnr2.gif (15838 bytes)

Basura ang ugat ng baha
Pilipino STAR Ngayon 07/10/2002


real.gif (626 bytes)


ISA sa mga dapat sisihin sa hindi masolusyonang baha sa Metro Manila ay ang mamamayan na rin. Wala silang disiplina sa pagtatapon ng basura. Ang mga basura ang nagpasikip sa daanan ng tubig kaya umapaw ang mga ilog, estero at kanal. Sa sunud-sunod na pag-ulan na nagsimula pa noong Biyernes, rumagasa ang baha at walang makapigil. Sa pangyayari, isang nakagigimbal na tanawin ang natambad: Mga basurang walang pakundangang itinapon. May bulok na refrigerator, kutson, sirang aparador, silya, electric fan, washing machine at kung anu-ano pang bagay na karamihan ay yari sa plastik. Mas nakararami ang mga plastik bag ng isang kilalang department store na nagbigay-kulay habang rumaragasa ang agos ng tubig baha. Nakapangingilabot tingnan.

Nawalan na ng disiplina ang mamamayan sa pagtatapon ng kanilang basura. Maski ang mga maliliit na candy wrapper ay makikitang inaanod ng tubig baha at nagdagdag sa pagbabara ng mga kanal at imburnal. Karaniwang tanawin na ngayon ang kawalang disiplina sa pagtatapon ng basura maski nasa loob ng sasakyan. Tapon dito, tapon doon at wala nang pakialam kahit maging marumi man ang kapaligiran.

Nahaharap sa isang malaking responsibilidad si Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Bayani Fernando. Inilipat na sa kanya ni President Gloria Macapagal-Arroyo ang responsibilidad kung paano malulunasan ang pagbaha sa Kamaynilaan. Isang hakbang na nagpakita sa kawalang saysay ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pagkontrol sa baha. Hindi man sinisisi ni Fernando ang DPWH, sa himig ng kanyang pananalita, malaki ang kakulangan ng nasabing departamento kung paano masosolusyunan ang pagbaha. Nagbiro pa nga si Fernando na tanging ang pagdarasal na lamang ang tanging paraan sa problemang baha.

Siguro’y nararapat na ring maging mahigpit ang MMDA sa mamamayan para hindi tapon dito, tapon doon ng kanilang basura. Katulad ng pagdisiplina na ipinatutupad sa mga kalsada, maaaring ganito ring paghihigpit ang isagawa ng MMDA sa mamamayan para maiwasan ang pagtatapon ng basura sa kung saan-saang lugar. Mahigpit na pagbabantay ang kailangan.

Maaaring maging matagal bago maturuan ang mamamayan sa tamang pagtatapon ng basura subalit kapag maayos itong naipatupad, malaki ang maitutulong sa paglutas sa problema ng baha sa Metro Manila. Kailangan ang pagkakaisa ng mamamayan sa problemang ito. Maging responsable sana ang lahat sa pagtatapon ng basura.