Rekomendado kong pasyalan ng mga
taga-probinsiya ang lungsod ng Maynila. Oo, 'yung dating bulok, madumi't ma-trapik
na capital. Pero iba na ang Maynila ngayon. Gumaganda na muli tulad ng
kinagisnan ng ating mga lolo. Karamihan ng distrito, inayos na ni Mayor Lito
Atienza. Nahahakot na ang basura. Nabawasan na ang ingay at usok ng trapik.
Lumakad kayo sa gilid ng Ilog Pasig sa
likod ng Central Post Office. Hindi na mabantot. Umaagos na ang tubig.
Wala nang tankers at tug boats na nakaparada. Ang sarap pasyalan ng buong pamilya.
Tapos tumawid kayo sa Liwasang
Bonifacio. May dancing fountain sa gitna. Mula roon tumuloy sa Mehan
Garden. Bagtasin ang malinis at maliwanag na underpass patungong Intramuros.
Ikutin ang Old City sa kalsadang gawa sa sinaunang cobble stones.
Puwedeng magtapos ang pamamasyal sa
Fort Santiago. Maraming pahingahan at pagpi-piknikan. Marami ring matutunan
tungkol sa ating makulay na kasaysayan.
Di kaya, tumungo sa Rizal Park o
Luneta Grand Stand. Namnamin ang sikat na Sunset at Manila Bay. Maraming
murang kainan sa gilid-gilid. Kung mahaba ang gabi, tumuloy sa Ermita-Malate
district. Ikutin ang mga bar. Baka makatabi n'yo ang mga sikat na artista't
musikero, sina Kuh Ledesma at Leah Navarro. Hanggang madaling-araw. buhay na buhay
ang lugar. Balut o penoy ang panggising.
Bago na talaga ang Maynila. Mura
at masayang pasyalan.
SAPOL ni Jarius Bondoc 10/30/2001
Source: Philstar Ngayon