Andres Bonifacio: Ang Dakilang Supremo ng Katipunan Karapatang-ari ng Children's Communication Center 1981 Sa mga Guro at Magulang Mahirap lang si Andres Bonifacio. Maagang namatay ang kanyang mga magulang kaya hindi siya nakatungtong sa mataas na paaralan. Pero hindi ito naging hadlang para makatulong siya sa kanyang mga kababayan. Sa halip, kahirapan ang nagtulak sa kanya para ipaglaban ang mga karapatan ng mamamayang Pilipino. Nagtatag siya ng rebolusyonaryong samahang tinawag na Katipunan para maghimagsik laban sa mga Espanyol at palayain ang Pilipinas. Dahil sa Katipunan, nabigkis ang pagkakaisa ng samabayanang Pilipino. Minahal at pinaglingkuran ni Andres Bonifacio ang sambayanang Pilipino. Nagpakasakit siya alang-alang sa kalayaan. Magagawa din kaya natin mahalin ang ating kababayan at magpakasakit para sa kalayaan? Isinasalaysay sa librong ito ang buhay ni Andres Bonifacio para mag-silbing inspirasyon at mapaghanguan ng aral ng mga bata. Ang Kuwento Kung pupunta ng Maynila galing sa hilaga, tiyak na madadaan ang matayog na monumento ni Andres Bonifacio sa lunsod ng Kalookan. Makikita sa monumento ang larawan ng kaapihan at paghihimagsik ng mga Pilipino sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol. Ang monumentong ito ay sagisag ng kabayanihan ni Bonifacio at ng kangyang mga kasamang rebolusyonaryo. Alam ba ninyo na bata pa lamang si Bonifacio nang mamatay ang kanyang mga magulang? Dahil dito, huminto siya sa pag-aaral at nagtrabaho para mabuhay silang makakapatid. Nagtinda siya ng mga baston at pamaypay. Nagtarbaho rin siya sa mga kompanya ng dayuhan. Kahit nagtatrabahong bodegero ay di siya nagtigil sa paggawa at pagtitinda ng baston at pamaypay. Kahit mahirap lang, pinilit ni Bonifacio na matuto sa kanyang sariling pagsisikap. Nag-aral siya ng Espanyol at nagbasa ng libro. Mahilig din siya sa mga dula at pagtatanghal kaya gumanap siya sa mga dulang moro-moro. Nagtatag sila ng kanyang mga kaibigan ng isang samahan sa dula, ang Teatro Porvenir. Aktibo si Bonifacio sa kilusang makabayan. Nang lumaganap ang Kilusang Propaganda, madali niyang naunawaan ang mga layunin nito. Sumapi siya sa samahan ng mga Mason at pagkaraan ay sa La Liga Filipina. Nang mamatay ang Liga, naisip ni Bonfacio na hindi reporma kundi rebolusyon ang makababago ng kalagayan ng Pilipinas. Isang gabi, nagpulong sina Bonifacio at iba pang makabayang Pilipino para itatag ang isang lihim na samahan. Tinawag itong "Kataastaasang Kagalanggalang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan" o Katipunan. Layunin ng Katipunan na maghimagsik laban sa Espanya at palayain ang Pilipinas. Si Bonifacio ang naging Supremo ng samahan. Habang pinamumunuan ang Katipunan, nakilala ni Bonifacio si Gregoria de Jesus. Niligawan niya si Gregoria at di nagtagal ikinasal sila sa simbahan ng Binondo. Muli silang ikinasal alinsunod sa alituntunin ng Katipunan. Sumapi si Gregoria sa samahan noon din. Siya ang nangalaga sa mga dokumento, baril at iba pang mahalang kagamitan ng Katipunan. Natuklasan ng mga Espanyol ang Katipunan, kaya tumakas sina Bonifacio at ibang kasamahan. Nagtipon-tipon sila sa Pugadlawin at doon ay ipinasiya nilang simulan na ang himagsikan. Sa labanan sa San Juan, umurong sina Bonifacio dahil sa lakas ng kalaban. Pero kahit nabigo ang kanilang unang pagsalakay, mabilis namang kumalat ang rebolusyon. Samantala, sumikat naman si Emilio Aguinaldo bilang lider ng mga Katipunero sa Cavite. Laging panalo sa labanan ang kanyang hukbo kaya maraming humanga kay Aguinaldo. Dito nag-umpisa ang di pagkakasundo ng mga Katipunero sa Cavite. Nahati sa dalawang pangkat: ang pangkat Magdiwang at pangkat Magdalo. Nagdaos ng kumbensiyon sa Tejeros, Cavite ang dalawang pangkat ng mga Katipunero. Bilang Supremo ng Katipunan, si Bonifacio ay tumayong tagapangulo sa kumbensiyon. Nagkaisa silang lahat na igagalang ang anumang mapagkasunduan sa kumbensiyon. Itinatag muna nila ang republika ng Pilipinas at pagkaraan ay nagdaos ng halalan. Nahalal na pangulo ng republika si Aguinaldo kahit wala siya sa kumbensiyong iyon. Pero nang mahalal na Direktor ng Interyor si Bonifacio, isang Magdalo ang tumutol. Diumano, hindi dapat sa posisyon si Bonifacio dahil wala siyang pinag-aralan. Sa galit, pinawalang-bisa ni Bonfacio ang lahat ng napagkasunduan at agad na umalis. Sa isang pulong sa Naic, nagtatag ng hiwalay na pamahalaan si Andres Bonifacio. Para kay Aguinaldo, malaking panganib sa pamumuno niya ang ginawa ni Bonifacio kaya iniutos niya ang paghuli rito. Pinuntahan ng mga tauhan ni Aguinaldo si Bonifacio at hinuli. Nilitis ang magkapatid na Andres at Procopio sa salang pagtataksil sa bayan sa pagtatangkang ibagsak ang pamahalaan. Mga tauhan lahat ni Aguinaldo ang bumuo ng konsehong lumitis sa magkapatid. Pagkaraan ng isang araw na paglilitis "napatunayang" nagkasala ang magkapatid kaya hinatulan ng kamatayan ni Aguinaldo. Di alam ng magkapatid ang hatol na kamatayan. Lihim silang dinala sa bundok ng Tala. Doon, ihiniwalay kay Bonifacio si Procopio. Natiyak ni Bonifacio na papatayin sila. Ayon sa iba, tumakbo siya ngunit nasundan ng mga kawal ni Aguinaldo at binaril. Dito nagwakas ang buhay ni Andres Bonifacio, ang dakilang Supremo ng Katipunan.