Naniniwala ba kayo sa multo?
ni Jeffery Kabiling

KAYO ba ay isa sa mga taong kinukulit na pag-alala sa maaaring maging
"biktima" o "saksi" sa pagpaparamdam ng mga "paranormal" na nilalang na
ito? Maliban sa pagkaripas ng takbo sa tindi ng takot, ano pa kaya ang ating
magagawa sa gitna ng "pagpaparamdam?"

Ayon kay Prof. Hans Holzer, Ph. D., isang kilalang authority pagdating sa
paranormal at psychic phenomena, hindi dapat katakutan ang mga multo,
bagkus dapat tulungan at harapin ng may malawak na pang-unawa ang mga
nasabing nakakapanindig-balahibo na nilalang.

Si Holzer ay isang Austrian professor na nagtuturo ng parapsychology sa
New York Institute of Technology at awtor ng 119 na libro tungkol sa kanyang
pakikipagtalastasan sa mga ligaw na kaluluwa.

Sa kanyang librong In Quest of Ghosts, sinabi ni Holzer na karamihan sa
mga multo ay mga ligaw na nilalang na may "unfinished business."
Dinagdag pa ni Holzer na marami sa mga multo ay namatay sa aksidente o
kaya ay sa bayolenteng pangyayari.

"Hindi sila lubusang handa sa pagtawid sa kabilang buhay kung kaya't pinili
muna nilang manatili sa mundong ibabaw kahit sila'y kaluluwa na lang," sabi
ni Holzer sa Ingles.

Ayon pa sa kanya, bagama't paminsan-minsan ay namamataan sila ng mga
tao, ang mga multo ay nananahanan sa ibang "dimension." Ito raw ang
dahilan kung bakit nasasaksihan ng tao ang nakatatakot na porma ng multo.

"Nakikita lang natin ang kanilang anyo nang sila ay lumipat sa kabilang
dimensiyon sa kanilang pagkamatay. Kaya karamihan sa mga multo ay may
anyong nakatatakot gaya ng pugot ang ulo o kaya'y naliligo sa sariling dugo,"
sabi ni Holzer. Ang mga multo ay kaluluwa lamang ng tao, ayon kay Holzer,
kung kaya't dapat silang ituring na mga espiritu na hindi nakakapanakit ng
tao.

Idinagdag pa niyang nagpaparamdam ang mga ito sa mga kinagigiliwan
nilang lugar nung sila ay nabubuhay pa. Meron din daw nagpapakita sa mga
lugar na kanilang kinamatayan.

"Dapat ay tulungan natin silang tapusin ang kanilang mga unfinished
business. Sa ganitong paraan lamang sila matatahimik," ayon pa kay Holzer.