Ang Carabao Festival ng Pulilan
ni IRENE G. PUBLICO
KABAYAN

 

Source: Pulian Butterfly Haven



FESTIVAL. Ito ang sikat ngayon sa maraming lugar dito sa Pilipinas. Isang
uri ng pagdiriwang na binibigyang kulay sa pamamagitan ng kulturang ating
kinagisnan at minana mula sa ating mga ninuno.

Sa bawat araw ay may iba't ibang klase ng festival ang masasaksihan.
Masasabi nating ito ay makaluma o makabago man ngunit iisa pa rin ang
tema nito: ang mapaunlad ang turismo ng bawat pamayanan o lugar na
pinagdarausan.

Gaya na lamang ng Carabao Festival sa Pulilan, Bulacan. Idinaraos ito tuwing
ika-14 ng Mayo sa bawat taon.

Kabilang na sa kaugalian ng mga Pulileņo ang mag-alaga ng kalabaw. Ayon
sa kanila, malaki ang naitutulong nito sa araw-araw nilang pamumuhay. Hindi
lamang tagasaka ng kanilang palayan kundi nagsisilbi pa itong tagapagdala
ng kanilang mga kalakal at higit sa lahat nagpapasaya pa ito sa tuwing
sasapit ang kapistahan sa kanilang lugar.

Dahil sa dami ng naitutulong ng kalabaw tinitiyak ng mga magsasaka na,
araw-araw ay napapakain at nabibigyan ng hustong pag-aalaga ang mga ito
kapalit ng kanilang paglilingkod.

Ayon sa mga Pulileņo, ang Carabao Festival ay isang pagdiriwang ng
pasasalamat sa kanilang patron, si San Isidro Labrador. Bilang pagkilala, sa
pagdaraos ng parada ay lumuluhod ang mga kalabaw sa tuwing tatapat o
bago tumapat sa simbahan.

Kabilang din sa nagbigay-kulay sa nasabing festival ang pagkakaroon nila ng
paligsahan sa pagandahan ng bahay-kubo na itinayo sa tapat ng bawat
bahay na nasa gilid ng kalsada. Kahanga-hanga ang kanilang pagiging
malikhain na kahit iisa ang tema ay mas lalo pa nilang binigyang-buhay at
pinaningning ang kani-kanilang kubo.

Ang mga Pilipino'y likas na mapagmahal sa kinagisnang kultura. Dumaan
man ang maraming taon pilit pa rin nilang inaalala na ang kulturang minana'y
susi sa kaunlaran ng bansa.