Kampeon ng Filipino
Source:  Kabayan On Line
(Halaw ni Kristine Ann M. Velasco mula sa
talumpating binigkas ni Prof. Florentino Timbreza sa Kabayan Gawad Guro
2002).


SINO pa ba ang dapat magmahal sa ating wikang pambansa kundi tayo na
rin mismo? Sino pa ba ang dapat magpaunlad sa wikang Filipino kundi ang
mga Pilipino na rin mismo?Ito ang mga katanungang naging hamon kay Prof.
Florentino Timbreza sa kanyang sarili nang magdesisyon siyang gumamit ng
wikang pambansa sa pagtuturo ng pilosopiya.

Tinaguriang dalubguro ng pilosopiya sa Filipino,
kasalukuyan siyang full professor, University
Fellow, Chairholder of Philosophy and Letters at
tagapangulo ng Departamento ng Pilosopiya sa De
La Salle University. Bilang pakikiisa sa pagdiriwang
ng Buwan ng Wika ngayong Agosto, tinampok ng
Kabayan si Timbreza na isa sa mga nagwagi sa
Gawad Guro 2002 dahil sa kanyang pagsisikap na
mapaunlad ang wikang Filipino sa larangan ng
pagtuturo ng pilosopiya.
proftimbreza.jpg (8385 bytes)

Mga hamon

Ayon kay Prof. Timbreza, hindi naging madali sa kanya ang pagtahak sa
pagpapaunlad ng wika. Inihayag niya ang kanyang pang-akademikong
karanasan tungkol sa lakas-loob na pagharap at pagtanggap sa apat na
hamon at pagsubok noong dekada '70 at '80. Sabi niya, "Palasak noon ang
apat na maling pagkukuro, paghahaka, o mga pala-palagay hinggil sa
paggamit ng Filipino sa pagtuturo, pagsulat, at pananaliksik."

Patuloy niya, "Una, pabayaan munang umunlad ang Filipino bago ito gamitin
sa pagtuturo. Pangalawa, marami pang kakulangan ang wikang pambansa
kung kaya't hindi pa maaaring gawing wikang panturo ito. Pangatlo, marami
pang salitang Ingles na walang katumbas sa wikang Filipino. At pang-apat
kulang pa ng mga batayang-aklat sa Filipino kung kaya't mahihirapan ang
mga guro at mga mag-aaral."

Pinag-ukulan niya nang masinsinang pagsusuri ang mga tinurang maling
pag-aakala sa pamamagitan ng mga karampatang katanungan. "Hinamon ko
ang aking sarili sa pamamagitan ng sumusunod na katanungan. Tungkol sa
una, papaano uunlad ang wikang Filipino kung hindi ito gagamitin? Sa
pangalawa, papaanong mapagpupunan ang kakulan ng sariling wika kung
hindi ito pauunlarin at payayabungin sa pamamagitan ng paggamit? Sa
pangatlo, papaano magkakaroon ng katumbas na kataga sa Filipino ang mga
salitang Ingles kung hindi lilikha o bubuo sa pamamagitan ng paggamit? At
sa pang-apat, papaano makasusulat ng mga teksbuk o batayang aklat sa
Filipino kung hindi magpapakadalubhasa muna sa paggamit ng wika sa
pagsulat at pagtuturo?

Determinasyon

Batay sa kanyang karanasan, sinabi niya na ang pagpapaunlad at
intelektwalisasyon ng Filipino ay sa pamamagitan ng paggamit lamang.
Alinsunod, diumano ito sa pakiwari ng mga dalubwika na hindi uunlad ang
alinmang wika kung hindi ito gagamitin. Ibinunyag din ni Timbreza na ang
tanging dahilan kung bakit maraming salitang Ingles ang walang katapat o
katumbas na salitang Filipino ay sapagkat sa loob nang matagal na panahon
ay itinigil ang paggamit nito.

Sa kabila ng lahat ng ito, ipinagpatuloy niya ang paggamit ng Filipino sa
pananaliksik, pagtuturo at pagsusulat na, aniya, ay siyang magpapatunay
tungkol sa kayamanan, kalawakan, kalaliman, at sapat na kakayahan ng
sariling wika hindi lamang bilang wikang panturo sa pamantasan kundi bilang
kasangkapan din sa pagtuklas at pagpapahayag ng mga kaisipang
pampilosopiya.

Sa kasalukuyan, may ilan na siyang aklat sa pilosopiya at mga artikulo at
sanaysay na nasusulat sa Filipino. Ilan sa mga ito ay ang Pilosopiyang
Pilipino (1982), Mga Hugis ng Kaisipang Pilipino (l989), Ang Tao Te Ching ni
Lao Tzu sa Filipino (l999), Ensayklopidiya ng Pilosopiya (l993), at
Intelektwalisasyon ng Pilosopiyang Filipino (l999). Bukod dito ay may ilan na
rin siyang aklat sa Pilosopiya na nasusulat sa Ingles.

Mga napatunayan

Ayon sa kanya, "Noong simula pa lamang ay halos wala ni isang maniwala
na mayroong pilosopiyang Pilipino sapagkat ang tinatalakay lamang sa
akademya noong araw ay ang pag-iisip Kanluranin."

Dahil dito hinamon niya ang kanyang sarili at pinangatawanang patunayan
ang sumusunod na batayan: Una, kung ang pilosopiya ay ngamumula sa
pagtataka na siyang sinabi nina Plato at Aristotle, nangangahulugan lamang
na mayroon ding pilosopiyang Pilipino sapagkat marunong din namang
mag-usisa at magtaka ang mga taumbayan.

Pangalawa, kung ang pilosopiya ay lumulutang mula sa karanasang-tao, na
siyang itinuturo ng mga pantas eksistensiyalista at penomenologo,
nangangahulugan ding mayroong pilosopiyang Pilipino sapagkat mayroon din
namang karanasang Pilipino na kasindakila ng karanasan ng ibang mga tao
sa mundo.

Pangatlo, kung ang pilosopiya ay nakapaloob sa kultura, na siyang
natuklasan ng mga sosyologo at antropologo, ay tiyak ngang mayroong
pilosopiyang Pilipino sapagkat mayroon din namang kulturang Pilipino na
kasingyaman ng kultura ng ibang mga lahi.

At pang-apat, kung ang pag-iisip at ang wika ay magkakabit pagkat ang wika
ay siyang tagadala ng pag-iisip, na siyang iginigiit ng mga dalubwika, hindi
nga maipagkakailang mayroong kaisipang Filipino sapagkat mayroon din
namang wikang Filipino na kasingganda ng mga wika ng ibang mga tao sa
daigdig. Samakatuwid, hindi na kailangang maging Pranses o Amerikano,
hindi na kailangang marunong ng Ingles o Aleman upang mamilosopiya.
Sapat na ang maging tao na may katutubong karanasan, sariling kultura at
sariling wika.

Pilosopiyang Pilipino


Sa kanyang walang tigil at walang pagod na pananaliksik at pagsusunog ng
kilay, ay natuklasan niyang mayroong natatanging pilosopiya ng buhay ng
mga Pilipino. Ito ang kanilang pandaigdigang pananaw, pagpapakahulugan,
pagpapaliwanag at paglalarawan tungkol sa kabalintunaan ng buhay.

Sabi pa niya, "Tayo ay mamimilosopiya ng sarili nating pilosopiya at hindi
ang pilosopiya ng ibang lahi. Sinumang namimilosopiya sa pamamagitan ng
pilosopiya ng ibang tao ay walang sariling pilosopiya.

"Sinumang nasisiyahan na mag-isip sa pamamagitan ng pag-iisip ng iba ay
salat sa sariling pag-iisip. Bukod pa rito, dapat nating gamitin ang katutubong
wika habang tayo ay nag-iisip; sapagkat kung ating gagamitin ang wikang
banyaga, lingid sa ating kaalaman, ay magiging bilanggo tayo ng mga taong
may-ari ng wikang ating ginagamit."

At naniniwala si Timbreza na ito ang ugat ng makadayuhang panlasa o
kolonyal na pag-iisip ng ilang mga Pilipino.
Hamon ni Timbreza sa bawat mamamayang Pilipino:"Ikaw mismo ang iyong
kultura at ang iyong wika naman ang iyong sariling daigdig. Kaya, habang
pinagyayaman mo ang iyong wika at kultura ay lalo namang nag-iibayo ang
sarili mong pagkatao."