Pag-asa para sa maralitang taga-lunsod
HINDI PA TAPOS ANG LABAN ni Sec. Mike Defensor
Philstar On Line 10/10/2001


Nitong nakaraang pitong buwan, humigit kumulang 206,000 na mga pamilyang maralitang taga-lungsod ang nabigyan ng pag-asang magmay-ari ng mga lupang kanilang tinitirhan. Sa bilang na ito, may 185,000 pamilya sa buong bansa, ay nakatira sa mga lupang pag-aari ng gobyerno samantalang 15,000 pamilya naman ang nakatira sa mga pribadong lupain ang nabili sa ilalim ng Community Mortgage Program.

Sa huling pagbisita ni President Gloria Macapagal-Arroyo sa Parola, Tondo, nilagdaan niya ang proklamasyon na nagbibigay ng pagkakataon sa mga residente na bilhin ang mga loteng kinatatayuan ng kanilang mga bahay. Ipinahayag ni GMA na bahagi pa rin ito ng pagtupad ng pangako ng administrasyon na magbigay ng seguridad sa lupa at tahanan sa bawat pamilyang Pilipino.

Matatandaang sa State of the Nation Address (SONA) ni GMA noong Hulyo 23, 2001, nangako siya na tutulungan ang 150,000 pamilya na magkaroon ng lupa para sa kanilang mga tahanan. Ngayo’y nalampasan pa ang bilang na sinasabi ni GMA.

Ang tulong na ito ng administrasyon para sa mga maralita ay kailangang tumbasan ng pagpapahalaga. Huwag sana itong samantalahin ng ilang mga sindikato upang pagkakitaan. Ang seguridad sa lupa at tirahan ay kailangang pangalagaan at huwag magpapadala sa silaw ng salapi. Lubos na pinahahalagahan ng pamahalaan ang dignidad ng bawat Pilipino kung kaya gayon na lamang ang pagsisikap na bigyan ng maayos at
disenteng tahanan ang bawat pamilyang Pilipino.