Tatlong uri ng historya
Mga Butil ng Kasaysayan
ni:Jaime B. Veneracion

dialog.gif (3207 bytes)

vocabulary.gif (2771 bytes)

 

Tatlong uri ng historya


ANONG historya ang ating alam, binabasa o sinusulat? Ayon kay Troian Traianovich, tatlong uri ng historya ang pinagdaanan ang Europeong tradisyon. Tinawag niya ang mga uring ito bilang paradigma, ibig sabihin, ang pagkakaroon ng modelo o genre na gabay sa pagsasalaysay. Una rito ang tinatawag niyang exemplar, ikalawa, evolutionary/developmental; at pangatlo, structural/functional.

Sa isang historyang exemplar, sa halimbawa nina Herodotus at Thucydide, ang naratibo ay nais makapagbigay ng isang leksiyon o aral. Sa tradisyong Griyego-Latin ang itinutulak na values o halagahin ay heroismo laluna sa digmaan. Sa panahong medyebal sa Europa, naging kuwento ito ng mga buhay ng mga santo at martir para isulong ang pananampalatayang Kristiyano. Ang halagahing itinuturo ay tungkol sa kababang-loob at pagtanggap sa tadhana ng Maykapal.

Nabago lamang ang ganitong uri ng historya noong panahon ng rebolusyong industriyal, na bunga naman ng malaking pag-unlad ng agham. Ang humanismo ng Renaissance ay nagbigay-daan sa panibagong halagahing nagbibigay puwang sa masusing pagsusuri (reason). Ang tao sa ganitong pananaw ay maliit na bahagi lamang ng uniberso, ngunit hindi naman nangangahulugan na wala na siyang kikilalanin bilang isang tao o indibidwal. Dito pumasok ang tradisyon ng pag-aaral sa lipunan bilang agham (social science) sa tulad ng pilosopiyang positibismo. Ayon sa kaisipang ito, ang tao ay bahagi ng lipunan kaya't ang kanyang mga gawi at pag-uugali ay produkto ng iba't ibang salik na panlipunan.

Sa historya, ang epekto ng positibismo/historisismo ay ang paghanap ng pamantayang maka-agham. Hindi na simpleng naratibo ng nangyari ang historya. Kailangang may dokumento bilang batayan ng patotoo o facts. Nanguna ang mga Aleman sa direksiyong ito ng pagsusulat ng kasaysayan kaya nakilala ang tradisyong ito bilang Eskuwelahang Historikal na Aleman.

Nagtatag ang mga pamahalaan ng malalaking lagakan ng mga dokumento na tinatawag na archivo. Ngunit dahil ang pamahalaan at ang naghaharing uri o elite ang higit na may pasilidad para sinupin ang mga dokumento kaya ang natagong mga batayan ng historya ay tungkol sa mga usaping pulitikal-tulad ng mga gawain ng burukrasya at diplomasya. Ang naging direksyon ng pagsusulat ay palakasin ang ideolohiya ng status que o ng pambansang estado (nation state). Tinatawag na evolutionary developmental ang paradigma ng pagsusulat sapagkat ang tinutungo ng salaysay ay ang iba't ibang panahon hanggang sa kasalukuyan bilang mga baitang ng pataas nang pataas na pagpapaunlad ng bansa.

Sa kalagitnaan ng ika-20 dantaon, nakatanggap ang tradisyong

positibismo/historisismo ng pagpuna-paano naman ang mga karaniwang tao at ang mga nasa gilid, hindi ba sila bahagi ng historya? Ang mga hindi ba nakapagtitipon ng dokumento ay wala nang karapatang mapasali sa mga salaysay? Kaya natungo ang direksyon ng historya sa pagsilip at paglalahad ng mga nakalimutan o nasantabi, kasama na ang mga napiit, nalagay sa mga mental hospital, tulisan at mga rebelde.

Sa impluwensiya ng Eskuwelang Annales sa Pransiya, nilinaw na may iba't ibang pagpapanahon-na bawat pagtaya ay nakasalalay sa tatlong antas; sa mga conjuncture o simpleng pangyayari, sa mga nasa ilalim at higit na mabagal na pagbabago, ang istruktura at ang pinakapundasyon ng lahat, ang mga kaganapan heograpikal. Sa pananaw na ito, ang pangyayari (event/conjucture) ay nasa ibabaw lamang, alalaumbaga, ang balat ng mas higit na paliwanag sa realidad. Kung nais nating makita ang sustansiya nito, tutungo tayo sa ilalim ng balat, sa laman mismo, na katatagpuan ng palagian o paulit-ulit na nagaganap (patterns) sa karanasan ng tao.

cultureNote.gif (2508 bytes)

comprehensionQs.gif (3207 bytes)

grammarNote.gif (2771 bytes)

dialogVar.gif (3207 bytes)