Silang mahirap MAKAHANAP ng trabaho

ni Arlyn Floro

Kadalasang maririnig sa mga mag-aaral na nakatapos ng kanilang pag-aaral ang mga katagang: "Haay! sa wakas ay tapos na rin lahat ng paghihirap ng mga magulang ko, lalung-lalo na ang mga paghihirap ko." Ito ay sa kadahilanang nakaakyat na sila sa entablado upang tanggapin ang diploma.

Sa dami nga ng nakakagraduate taun-taon, laging nadaragdagan ang porsyento ng mga naghahanap ng trabaho. Subalit ang pagtatapos ay hindi nangangahulugan ng siguradong trabaho. Kailangan pa ring dumaan sa butas ng karayom para lang makahanap ng trabahong pinapangarap.

Ayon kay Daisy Adeza, Communication Arts Graduate ng University of the East Manila, pudpod na ang kanyang sapatos sa kahahanap ng trabaho. Lumuha na umano siya ng dugo dahil sa hirap mag-apply. "Magaganda ang kasabayan ko sa pag-aapply kaya nilang makipagsabayan sa gastusan sa paghahanap ng trabaho," pahayag ni Daisy.

Pinatunayan din ito ni Ann Valery na nagtapos sa Saint Paul's College- Manila. Talaga raw mahirap ang mag-apply. Madali mang makapasok, ang tanong ay kung tatagal raw ba ang isang baguhan sa mga ipagagawa sa kanila. "I can't forget the first week of my training, iyong ginawa sa akin ni Myrna, production manager ng programang Biyaheng Langit ng RPN 9. Katakot-takot na hirap ang ipinagawa sa akin. Akala ko naman ay okey ako sa kanya dahil pinupuri naman niya yong mga na-accomplished ko pero, after two weeks sinabihan ako ng office manager nang ganito, 'Valery, naghahanap si Miss Myrns ng ipapalit sa iyo. Sorry! Nagulat ako dahil sa ang alam ko okey na ang production performance ko. Minsan nga, sa preparation sa shooting namin sa Parañaque, ako pa ang nagpakahirap na maghanap ng mga talent para sa reenactment pero bale wala pala lahat iyon sa kanila."

Samantala, maging ang kabarkada ni Valery na sina J-I ay hirap din sa paghahanap. Hindi siya nakatagal bilang telephone operator sa isang hotel sa Makati.

Pagtatapos, hindi kasiguruhan
Naniniwala rin sina Siopao Sanchez, Melanie Gunzon at Roselle Ignacio na nagtapos ng Business Administration sa PSBA Manila na hindi sukatan ang pagtatapos sa kolehiyo. Ang importante raw ay alam ng tao kung ano ang pinapasukan niya na siyang babagay sa kakayahang tinataglay niya.

Kinakailangan daw ang ibayong lakas ng loob at tiwala sa sarili.

Sa ahensya napupunta
Iba naman ang naging experience ni Ims Lopez. Inakala niyang siya ay mapalad dahil sa madali siyang nakapasok sa trabaho sa pamamagitan ng isang agency. Subalit napagtanto rin niya na mas malaki pa pala ang napupunta sa agency pagdating ng sahuran. Ang masakit pa rito, matapos ang anim na buwan, wala ka ng career dahil per kontrata lang ang trabaho.

Sistemang Padrino
Nakatapos naman si JonJon Conopio ng kursong Marine Enginering sa PMI sa may Pantranco. Bukod sa pagiging kilala ng eskuwelahan niya na maganda ang turo sa larangang ito, ang kanyang ama ay isang Kapitan ng barko kaya madali siyang naipasok sa trabaho. "Padrino system" ang tawag dito. Palakasan, ika nga.

Si Teth Teth Labrador ay madali ring nakapasok sa pagpupulis dahil sa dalawa sa kanyang mga kapatid ay mataas na ang ranggo at matagal na sa propesyong ito.

Iba ang napasukan
Marami sa mga kabataan ngayon na matapos na maka-graduate sa kursong kanilang napili ay hindi naman magamit ang pinag-aralan. Isa na rito si Bernadeth Cortez, Political Science graduate. Ang pinasok niyang trabaho ay pagiging stand-up commedianne na nagpe-perform sa mga birthday party.

Wala pa ring trabaho
Hindi naman naging pabigat kay Marjaye Costudio na wala siyang trabaho dahil sa libang na libang siya sa kanyang boyfriend na si Jonjon. "Laking pasalamat ko dahil hindi ako ganoon kaapektado na wala akong trabaho.

Ngayong tapos na ako sa wakas sa buwisit na kurso ko, bahala na kung may trabahong naghihitay sa akin."

Si Jayson Labindino naman ay parang kuntento na sa pagiging habambuhay na palamunin ng kanyang mga magulang. Matapos ang pitong taon sa kursong Civil Engineering, hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makahanap ng trabaho. Tinamad na rin siyang kumuha ng board exam.

Iba naman ang drama ni Maje Vinuya. Hirap na hirap siyang makahanapng trabaho. Tapos man siya ng kursong Computer Science, hindi pa rin siya sinusuwerte na makapasok sa trabaho kaya ngayon ay tumutulong na lamang siya sa nanay niya sa pagtitinda ng ulam.

Sadyang mahirap makahanap ng trabaho. Hirap na nga sa pag-aaral ang mga estudyante, kapag nakatapos naman ay hirap pa rin.