Reduccion

KAHIT sa kasalukuyan, ang Nueva Vizcaya ay nananatiling isang prontera sa kamalayang pambansa. Sa amin na dumalo sa pambansang kumperensya ng ADHIKA ng Pilipinas sa Bayombong, Nueva Vizcaya noong Nobyembre 28-30, 2002 kailangan pang paalalahanan kami ng gobernador ng lalawigan na pinakamalaking tagapagluwas sila ng prutas at gulay sa Kamaynilaan.

Ang siste nga niya, "pagdating sa Maynila, ang aming mga gulay ay tinatawag na Baguio beans, repolyo at lechugas: ang aming mga suha, ponkan at dalanghita naman ay napagkakamalang mula sa Tsina o Davao."

Ngunit higit pa sa mga produktong sagana sa Nueva Vizcaya, ang mistulang Mexico na disenyo ng simbahan sa Dupax ang naging sorpresa sa mga delagado sa aming "lakbay-aral." Doon namin nakita ang sinasabi ng eksperto sa kasaysayan ng lambak ng Cagayan na si Padre Pedro Salgado, O.P., "ang simbahan ang bukod tanging indicator ng kolonyalismo. Kung saan nakapasok ang mga Kastila, doon may simbahan. Kung walang simbahan, wala ring kolonyalismo."

Tinatawag na "reduccion" ang prosesong ito ng kolonyalismo. Tinitipon muna ng mga Kastila ang mamamayan ng isang lugar na tinatawag nilang "pueblo." Ayon sa isang plano kung saan mainam ilagay ito, pinapatag ang lugar upang gawing plaza. Sa paligid ay inilalagay ang simbahan, ang bahay-pamahalaan o casa real, ang palengke at ang destacamento ng kawal. Malapit lamang dito sa plaza ang tahanan ng tinipong mamamayan. Inilalapit talaga ang tahanan nila para madaling makunan sila ng buwis o makatungo sila sa simbahan kapag narinig na ang tunog ng kampana sa misa at pagdarasal.

Ayon kay Padre Salgado, kahit daw isa siyang Dominico, nababahala siya kapag nababasa niya ang mga dokumento ng pagkatindig ng mga simbahan ng kanilang orden. Lagi raw nakalagay lamang doon na ang ganito o gayong simbahan ay ipinatindig ng ganito o gayong padre misyonero. Hindi nililinaw sa salaysay na bawat istraktura ay nangangailangan ng isang organisasyong sosyal halimbawa, kailangang may magtabtab ng bato at magsalansan nito. At kung may mga mason at karpintero, kailangan din siyempre ang magpapakan sa kanila. Paano itinanim at nilikom ang pagkain? Pasingit-singit na makukuha mo lamang ito sa dokumento kung may kamalayan ka na mahalagang sagutin ang mga tanong tulad nito.

Kaya ang magandang simbahan tulad ng nakita namin sa Dupaz ay salamin ng malalim na ugnayan ng tao sa lugar. Nabanggit ko tuloy kay Padre Salgado na sa aking pag-aaral ng kasaysayan ng Bulakan, may nakita akong naging papel ng sinaunang tao dito sa "reduccion" ng lambal Cagayan noong ika-16 na dantaon. Sa bayan ng Lal-loc, ginawang panhadlang sa mababangis na tribu ng Gaddang ang mga taga-Bulacan.

Inilagay ang pueblong Kastila sa pagitan ng mga sanga ng ilog Cagayan. Para bagang "moat" ang ilog upang hindi kaagad ito mapasok ng mga kaaway. Ngunit bukod sa ilog, ang naKristyanong Tagalog ng Bulakan ay pinatira paikot sa kolonyang Kastila upang kung lumusob man ang mga Gaddang, ang unang magiging biktima ng atake ay ang mga Tagalog.

Magandang pag-aralan kung ganito rin ang nagaganp sa Nueva Vizcaya. Sa ilang papel na binasa sa kumperensya, naimungkahi na ang proseso ng kolonisasyon ay kahawig ng naganap sa Cagayan. Una munang pinasok ang mga lugar ng Isinay na hindi mabangis kung ihahambing sa mga Ilongot. Dito nagkaroon ng mga simbahan at plaza. Dahil sa bagong elementong pumasok sa lugar (ang mga Kastila), nabago ang sinaunang magandang ugnayan at kalakalan ng mga Ilongot at Isinay.

Ang matagumpay na pagkalat ng Kristiyanismo ay produkto rin ng pagtulong ng mga naKristiyanong Isinay sa mga Kastila. Kung hindi man sila mga mandirigmang naglunsad ng atake sa mababangis na tribu, ang kanilang magandang relasyon sa mga tribung ito ay lunsaran sa pagpasok ng mga misyonero. Mahalagang himayin kung sinong pinuno ang kinausap at ano ang ipinangako sa kanila ng mga bagong salta. Puwedeng sabihin, tulad ng nasabi na rin ni Padre Salgado, na ang proseso ng kolonyalismo ay hindi lamang isang proyektong Kastila; maraming katutubo ang naging bahagi ng pagpapatupad nito.


Pista ng Quiapo Ngayon ay Pista ng Poong Nazareno ng Quiapo. Sinimulan itong ipagdiwang noong 1586 ng Recolletos Fathers. Ang Black Nazarene ay ibinatay sa Black Nazarene ng mga Mexicano. Ipinaparada taun-taon ng mga kalalakihang nakapaa ang imahen. Isa itong pagdiriwang ng maraming deboto. Kahit ang mga deboto na mula sa malalayong probinsiya ay dumaragsa sa Quiapo upang masaksihan ang nasabing pista. Isa rin itong tourist attraction na dinadaluhan ng maraming turista para makita kung gaano kadeboto ang mga Pilipino sa sa kanilang relihiyon. Ayon sa tradisyon, ang sinumang makahawak sa imahen ng Poong Nazareno at humiling dito ay magkakatotoo.