Pagkain ng prutas,
mabuti sa katawan, kailangan ng pamayanan
MALAYANG ISIP
ni Edwin P. Santiago

Source:  KABAYANONLINE

Kailan ka nakakain ng masarap na pomelo (suha), o nakainom ng preskong sabaw ng buko? Hindi mo na siguro matandaan kung kailan sapagkat hindi naging available ang mga ito sa iyong hapag-kainan dahil sa kamahalan o dahil hindi mo alam ang benepisyong dulot nito para sa iyong kalusugan. Ang pomelo o suha, bukod sa masarap nitong lasa ay puno ng vitamic C, ang katas nito ay mahusay na fiber supplement na panlinis ng ating digestive system at panlaban sa kolesterol. Ang buko water naman bukod sa refreshing properties nito ay mainam na suplemento sa mga na-dehydrate at magaling na pantunaw ng kidney stones.

Ang wild berries naman ay magaling na anti-oxidant at magaling na tagapag-repair ng ating mga body cell. Marami pang masasarap na prutas o bunga ang hindi mo nakakain dahil hindi na-develop ang panlasa mo sa mga ito. Kaya nga kahit hitik sa mga prutas ang ating mga kabukiran ay malaking porsyento ng mga ani nito ang ipinapadala sa export market kaysa sa mga lokal na pamilihan.

Isa sa mga layunin ng Generics Association of the Philippines sa pakikipag-ugnayan sa Crowncrest Corp. ay mapalago ang panlasa ng mga Pilipino sa mga aning prutas sa ating bansa, at dahil dito ay pakipagkontrata ang Crowncrest Corp. sa mga miyembro ng Menzi Farmers Cooperative at iba pang taniman sa Don Martin Marundan, Mati upang maparami ang produksyon ng mga prutas sa Davao Oriental sa pamamagitan ng makabagong pagpoproseso at pamemerkado ng mga ito. Ang layunin ay upang maging available at affordable ang mga prutas kahit anong oras para sa mga Pilipino.

Tutulak ngayong araw na ito patungong Mati, Davao Oriental ang technical group ng Tetra Pak Philippines, panguluhan ng Philphos at ang engineering crew ng Eisen Engineering Co. upang simulan ang pakikipag-ugnayan sa pamunuan ng Crowncrest Corp. at Menzi Farmers Corp. sa pagtatayo ng isang world class processing at packaging plant sa Mati, Davao Oriental. Nakaalalay din ang pamunuan ng Department of Trade and Industry at ang local government unit doon upang masiguro ang tagumpay ng proyekto.

Ang pagkain ng mga lokal na prutas at bunga ay makapagbibigay ng sustansiya at lakas sa ating mga pagod na katawan at naguguluhang isipan at higit sa lahat ay kapaki-pakinabang para sa bansa kung mapapalago ang industriyang ito sa mga kanayunan. Suportahan natin ang mga magsasakang Pilipino, pag-asa sila ng bayan at ng ating kalusugan!