Mga Butil ng Kasaysayan

Mga dokumentong patotoo


Jaime B. Veneracion
Source:  KabayanOnline

LAGING bukas ang historyador sa pamamaraan ng ibang disiplina at larangan. Dahil ang pag-aaral sa buhay ng karaniwang tao ay hindi basta matatagpuan sa mga tiyak na document na sila mismo ang gumawa, nangangahulugan na kailangan ang ibang paraan para rito. Kahit na nga dokumento ang ginamit, ang paliwanag tungkol sa karaniwang tao ay karaniwang nakapasok bilang ebidensyang tinatawag sa Ingles na "non-intentonal," ibig sabihin, karaniwang "hindi ito sinasadya." Dahil sa puntong ito, masasabing mas makatotohanan ang patotoo na nakakatas sa document.

Ang paboritong halimbawa na binabanggit ko ay ang katitikan ng isang kaso ng panggagahasa sa Paombong, Bulacan, isang gabi noong 1920s. siyempre hindi tungkol sa panggagahasa mismo ang hinahanap kong datos kundi ang ilang detalye ng magkabilang panig na magiging patotoo ko sa pagsasaliksik sa pang-araw-araw na buhay ng mga magsasaka. Testimonya ng biktima na habang kumakan sila ng "pangat na isda" at nakasalampak sa sahig gamit ang "dulang" at biglang dumating ang lalaking nais magsamantala. Sa pangungusap na ito, magkakaroon ako ng ideya tungkol sa paggamit ng "dulang," isang uri ng mesa na walang paa at ang karaniwang pagkain ng isang karaniwang pamilya, "ang pangat na isda." Sa paghahanap ng mga pagbanggit na "hindi sinasadya" o "non-intentional" na detalye sa mga dokumento ng hukuman at iba pang ahensiya ng pamahalaan, makabubuo ng isang paglalarawan ng isang panahon. Malaking bahagi ng paglikom sa datos ang gumagamit ng sapantaha at paghahambing sa iba't ibang pangkat o uri ng tao tulad ng mga magsasaka.

Kung hindi dokumentado ang gagamitin, puwede ang panayam o pagtatanong na dapat gawin sa larangan. Tinatawag na fieldwork ang antas na ito ng pananaliksik. Kailangang tumungo talaga sa bukid upang makita ang hugis ng mga bukid, ang alagaan ng hayop, ang pagbungkal ng lupa at iba pa. Pati ang samyo ng kural ng hayop at ng mga mandala ay kasama sa magbibigay ng buhay sa pagsusulat tungkol sa pagsasaka.

Ang susunod na hakbang ay ang paghahanap ng iba pang lugar na mapaghahambingan ng naobserbahang realidad, upang makita ang cultural patterns batay sa karanasan ng iba't ibang lugar. Kaya hindi na indibdwal na magsasaka mismo ang nilalaman ng pananaliksik kundi ang relasyon ng tao sa kanyang bukid, sa kapwa magsasaka at sa kanyang among maylupa.

Tinatawag na etnograpiya ang paraang ito ng pangangalap ng materyales.

Pilosopiya ng pamamaraang ito ang karaniwang ginagawa din naman ng astropisiko - halimbawa, nais na patunayan ang pinagmulan ng uniberso, ang "big bang." Sa ganitong sistema ng suliranin, ginagamit ng mga astropisiko ang halos ay hindi na madinig na radio waves ng mga naglahong tala at buntala sa pagpapatunay ng teoryang ito. Hangga't wala pang higit na lohikal na paliwanag tungkol sa pagbubuo ng sanglibutan, nananatiling katanggap-tanggap sa larangan ng Pisika ang teorya ng "big bang."

Bukod sa etnograpiya, ang isa pang kaugnay na pamamaraan ay ang tinatawag na etnohistorya. gumagamit din ito ng pagtatanong at panayam ngunit may pagkakaiba sa nauuna. sa metodolohiya ng etnograpiya sa bukid, may nakahandang mga tanong na maaaring sagutin ng magsasaka. sa kaso ng etnohistorya, ganoon pa rin ang metodolohiya-nakikipanayam. ngunit hindi na tao ang sumasagot sa itinatanong. Ang questionnaire ay sinasagot ng naoobserbahang realidad, ng mga labi o artifact na nakuha sa paligid ng mga bagay na hindi nga buhay, ngunit nagpapakita ng relasyon ng mga tao, ng kanilang kalagayan sa buhay, etc. Mula sa wika mismo, sa kanyang araw-araw na ginagawa, makakakuha ng "radio waves" ng nakaraan. Halimbawa, bakit ganito ang hugis ng bukod at hindi ganoon? Bakit sa tubigang bukd itinatanim ang palay? Bakit "bukid" ang tawag sa "taniman," na sa ibang wika ng Pilipinas, nangangahulugan ito ng gubat?

Tulad ng sinabi ng Mexicanist historian na si Ronald M. Spores: "Etnohistory...is documentary etnology...reducing all classes of documentation to raw ethnographic data applicable to the study of human behavior within an anthropological framework. A document, whether written, drawn, or painted yesterdat or a thousand years ago, is for the ethnohistorian what the live historan is for the ethnoligist. I approach a body of documentation as I would seek it from living Mextec, Tarascan or Otomi informants or from a series stratigraphic tests in the Nochixtlan Valley of Oaxaca."

Kung lalaguman natin ang sinasabi ni Spores, ang ibig niyang sabihin ay ito: ang paghanap ng sagot sa isang nakahandang set ng katanungan ay isang panayam din tulad ng ginagawa sa isang taong buhay ngunit kakatasin ito mula sa maobserbahang mga labi o artifacts at mula sa kapaligiran o heograpiya mismo ng pinag-aralang tribu o pangkat.