Health

MALAYANG ISIP
ni Edwin P. Santiago

Epekto ng biological warfare
sa kalusugan ng sangkatauhan

MARAMING Pilipino na nakabase sa Kuwait ang nababahala sa napipintong paggiyera ng Amerika sa Iraq, dahil sa kakulangan ng mga protective mask at clothing kung sakaling gumamit ng chemical at biological weapons ang mga bansang naglalaban. At dahil hindi pa matiyak kung anu-anong mga sakit bukod sa ebola virus at anthrax ang gagamitin ng mga ito ay hindi rin sapat ang mga gamot na ihahanda sa mga maaapektuhan ng mga ito.

Hindi lamang naman sa mga bansang nasa paligid ng Iraq maaaring maging mapanganib sapagkat global ang kakayanang nukleyar at chemical ng mga bansang maglalaban-laban, at hindi malayong damay kahit tayo rito sa Pilipinas. Sa ngayon ay paghahanda ang kailangan, ngunit paano? Wala pa akong narinig na paghahanda ng pamayanan na isinasagawa ang pamahalaan lalo na ng Department of Health ukol dito. Baka wala sa hinagap ng mga namumuno sa DoH na makakarating sa ating bansa ang giyera sa kabila ng pagkampi sa Amerika at panggagalit sa Iraq ng ilang namumuno sa ating pamahalaan.

Isang isyu ng dapat harapin ng mga tahimik na bansang katulad ng Pilipinas, Hapon, Thailand at iba pa - ang pagtutol sa pagpapalaganap ng mga biological at chemical weapons. Alam natin na isa ang Amerika sa mga mayroong kapabilidad gumawa ng mga ito, sapagkat sila ang itunuturong pinagmulan ng mga sandatang ito ng mga Iraqi. Nagkataon lamang na kalaban ng Amerika ang Iraq sa kasalukuyan, paano noong panahong magkatulong ang Amerika at Iran laban sa Iraq? Nagtulong din ba ang mga ito sa paghanda ng chemical at biological weapons upang gamitin sa giyera? Ang Department of Health ng mga bansang kasapi sa United Nations ay dapat manguna sa pagprotesta laban sa paglaganap ng mga sandatang ito. Dapat na katulad ng ginagawa sa Iraq ay imbestigahan din ng UN Security Council ang mga weapons arsenal at mga laboratoryo ng Amerika at Inglatera upang malaman kung wala rin silang itinatagong ganitong uri ng sandata.

Kabi-kabila ang mga insidente ng mga unknown virus na kumitil sa buhay ng milyon katao sa iba't ibang panig ng daigdig, lalo na doon sa mga malayo sa kabihasnan at mahihirap na lugar. Marami ang naniniwala na ang mga salot na ito na hindi nawari kung ano at saan nagmula ay bagong mga test na isinasagawa ng mga nagma-manufacture ng mga biological weapons. Hindi malayong mangyari ito sa Pilipinas, sapagkat mayroong mga lugar sa bansa na napapabalitang nagkaroon ng mga epidemya na di malaman ang pinagmulan. Hindi na ligtas ang sangkatauhan sapagkat ang mga tao mismo ang lumilikha ng mga sakit na dapat sana ay pinupuksa. Dapat na tayong mabahala!

Subaybayan po ninyo ang ating programang Makialam ka Bayan! sa Radyo Veritas 846 khz (AM) tuwing Miyerkules, alas-11 ng umaga