Mainit ang naging pagtanggap ni US President George W. Bush kay Pangulong Macapagal-Arroyo habang papasok siya sa White House. Isang marangyang State Dinner ang ibinigay ni Bush para kay Arroyo na nasa isang opisyal na state visit.   REUTERS

 

SINABI ni Pangulong Macapagal-Arroyo na magkakaloob ang Estados Unidos ng 30 helikopter sa Armed Forces of the Philippines (AFP) bilang bahagi ng patuloy nitong tulong pangmilitar sa Pilipinas.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa press briefing sa Philippine Embassy sa Washington, D.C. makaraang makipagpulong kay Pangulong George W. Bush sa White House.

Sinabi niyang palalakasin ng mga helikopter ang kakayahang pandigma ng AFP. Idinagdag niyang mayroon ngayong siyam lamang na helikopter ang Philippine Air Force.

Sinabi ng Pangulo sa pakikipagpulong niya kay Pangulong Bush, na nagkasundo silang maglunsad ng isang komprehensibong pagrerebisa ng pangangailangan sa seguridad ng Pilipinas at kung paano makatutulong nang lubusan ang Estados Unidos sa modernisasyon ng AFP.

Pinagtibay din ng dalawang pangulo ang hangarin nilang wasakin nang lubusan ang Abu Sayyaf.

Sa layuning ito, nagkasundo ang dalawang pinuno na magdaos ng isa pang magkasanib na military exercise sa malapit na hinaharap kung saan magkakaloob ang Amerika ng suporta sa AFP sa isinasagawa sa kasalukuyang mga operasyon laban sa Abu Sayyaf.

Sa sumunod na magkasanib na press briefing sa White House, nilinaw ni Pangulong Bush na pagsisikapan ng Estados Unidos ang pagpapairal ng kalayaan at seguridad sa Mindanao at sa ibang dako ng bansa sa kahilingan ni Pangulong Macapagal-Arroyo at alinsunod sa mga alituntunin ng Saligang-Batas ng bansa.

Kaungnay nito, sinabi ni Bush na ginagawa na ng gobyerno niya ang hakbang upang isama ang Pilipinas bilang isa sa non-NATO (North Atlantic Treaty Organization) na kapanalig.

Ipinaliwanag niya na sa paraang ito, ang dalawang bansa ay magkakatulong sa pananaliksik panghukbo at sa kaunlaran upang ang Pilipinas ay magkaroon nang higit na pagkakataon sa mga gamit pantanggulan ng Amerika.

Ayon kay Bush, ang katayuang non-NATO ay maglalagay sa Pilipinas sa hanay ng Australia, Egypt at Israel.

"The step will allow our countries to work together on military research and development and give the Philippines greater access to American defense equipment and supply," sabi ni Bush.