Lope K. Santos Ama ng Bararila


ni Arlyn Floro

Kinilala si Lope K. Santos bilang "ama ng bararila". Ipinanganak siya noong Setyembre 25, 1879 at lumaki siya sa Buwayangbato sa Pasig, Rizal.

Sa murang edad ay nakitaan na siya ng pagkahilig sa mga pagsusuri sa mga bagay-bagay. Napansin ito ng kanyang ama nang minsan ay isama siya sa pinatratrabahuhan na imprenta. Wala itong ginawa kung hindi ang uriratin ang pagpapatakbo sa imprenta.

Hindi siya nakuntento sa simpleng paliwanag lang kung hindi matapos siyang magkaroon ng kaunting nalalaman sa mga bagay. Kanya itong sinusubukan at masusing sinasaliksik.

Mahusay na guro
Nang siya ay makatapos ng pag-aaral siya ay naging mahusay na guro. Ayon sa kanya, dapat tandaan ng mga kabataan ang kahalagahan ng kaalaman ng isang tao. Ito ang yaman na hindi aniya mananakaw ninuman.

Magaling na nobelista
Naging isa rin siyang magaling na nobelista. Madalas niyang paksa sa kanyang mga likha ang kagandahan ng ating bansa at mga problema sa lipunan. Hindi lamang dito siya napabantog. Kinakitaan din siya ng galing bilang isang mananalumpati, makata at lider ng mga manggagawa. Lubos niyang isinasaalang-alang ang kapakanan ng kanyang kapwa.

Tapat na tagapaglingkod
Naging isa rin siyang gobernador at senador ng bansa at ang malaki niyang ambag ay ang bararila ng wikang pambansa.

Kabilang sa mga aklat na kanyang isinulat ay ang Banaag at Sikat, Puso't Diwa, Isang Katipunan ng mga Tula, Kundangan, Ang Selosa , Alila ng Kapalaran, Los Suenos de Rizal, Salawahang Pag-ibig at marami pang iba.

Sadyang huwaran ang kanyang naging likha dahil sa pagtitiyaga at pagpupursige na makilala ang kakayahan ng mga Pilipino hindi lamang sa kanyang bansa kung hindi maging sa ibang bansa.

Ipinangaral niya na ang mga Pilipino ay dapat tumayo sa sariling pagsisikap at pagpupunyagi. Huwag daw silang umasa sa tulong ng mga dayuhan bagkus magkasya sa paraan na nalalaman na lahi. Dapat daw pasikatin ang mismong talento ng bawat isa nang sa gayon, ang mga dayuhan ang siyang kumuha ng kaalaman sa atin.

Sa kanyang pagsisikap na maipunla sa kamulatan ng mga Pilipino sa sariling wikang pambansa kung kaya't kinilala siya bilang ama ng balarila ng wikang pambansa.

Ang panghuling wika niya ay:
"Nararamdaman kong malapit na… ang huling oras ko… at ang aking ikinalulungkot ay papanaw ako nang hindi alam kung ano ang magiging wakas ng Wikang Tagalog… Kung ito ang talagang magiging wikang pambansa."

Dapat nating bigyan ng importansiya ang kontribusyon sa atin ni Lope K. Santos na magpasahanggang ngayon ay naituturo sa mga paaralan sa elementarya at sekondarya.

Namatay siya noong Mayo 1, 1963.