LIPOSUCTION, dapat ba?

ni Arlyn Floro

KAPAG ganitong summer, mas masarap mag-burn ng fats dahil mas napapadali nitong ilabas ang mga mantika sa ating katawan. Kahit na konting galaw lang ay tiyak na pagpapawisan na.

Hindi naman bago sa pandinig ang salitang liposuction. Ito ang isa sa pinakamabilis na paraan para maging seksi ang mga artista o ang mga may pera. Pero sa simpleng paraan ay kaya namang magpapayat ninuman na hindi na nangangailangan pang gumastos ng mahal o kaya ay sumailalim sa operasyon.

Operasyon-bawas-taba
Sa liposuction, hinihiwa ng plastic surgeon ang parte ng katawan na kailangang bawasan ng taba. Sunod ay magpapasok siya ng tubo at ito ang siyang maghihithit ng taba. Nabatid na kapag sobrang taba na ang isang tao-kung siya ay may sakit na obesity-ang matatanggal lamang na taba ay nasa walong libras. Pero, pupuwede naman itong uli't-ulitin.

Pinakamagandang sumailalim sa ganitong operasyon ang mga nasa edad na 40 pababa o kung higit sa edad na ito, dapat ay may magandang skin elasticity at talagang ayaw na matanggal ang mga taba niya sa katawan kahit pa siya ay mag ehersisyo o mag-diet.

Kailangang gawin
Pagkatapos ng liposuction, kailangang mentinahin o panatilihin ang diet dahil sa posibleng bumalik ang taba kapag hindi nakontrol ang kinakain. Side Effects
May ilan na nagpalipo ay nakaramdam ng kakaibang sensation tulad ng burning o tearing sensation at nangingitim ang area na hiniwa subali't may ilan naman na normal pa rin ang pakiramdam.

Pagpapayat
Wala pa ring tatalo sa normal na pagpapayat. Hindi rin naman nakasisiguro sa pag-inom ng mga gamot na nangangako ng madaliang pagpayat. Kadalasan, kung anu-ano pang side effects ang bunga nito.

Dapat tandaan na ang bawat ginagawa natin sa pang-araw araw nating buhay ay nagkakaroon ng reaction sa ating mga katawan. Gumawa lamang ng kaya ng resistensiya upang maiwasan ang pagpapa-ospital at mapagastos pa ng mahal, dahil sa mga maling pag-aakala na mas mapabibilis ang pagpapayat sa pamamagitan ng ganoong pamamaraan.