Likas na ganda ng Puerto Galera

ni Charmain Magpantay

TAG-ARAW na naman kung kaya't kanya-kanyang lakad ang pamilya, barkada, maging ang magkakatrabaho sa iba't ibang kompanya patungo sa mga lalawigang may malawak na dagat na kaysarap languyan.

Biyaheng Bulacan, Batangas, Zambales at Mindoro ang karaniwang tinatahak ng mga bakasyunista dahil dito makikita ang mga paliguang sa panahon ng tag-init ay hinahanap-hanap at pinananabikan.

Isang isla sa Mindoro ang di pahuhuli pagdating sa kagandahan at kalinisan ng karagatan, ito ay ang Puerta Galera.

Kapag ang tag-init ay dumatal na, kaalinsabay na nito ang panunumbalik ng sigla at ng tahimik at payapang isla. Dinarayo ito hindi lamang ng mga Pilipino, pati na rin ng mga dayuhang nagmula pa sa iba't ibang bansa. Pero paano nga ba napapanatiling kaakit-akit ang nasabing lugar sa paningin ng mga turista? Ano ang nasa Puerto Galera na wala sa ibang lugar upang ito'y dayuhin kahit na may kalayuan pa?

Sa Puerto Galera, biyahe pa lang mag-eenjoy ka na. Malamig na simoy ng hangin ang sasalubong sa iyo paglabas pa lang ng Maynila patungo sa pier ng Batangas. Mahaba man ang oras ng biyahe, na kung minsa'y inaabot pa ng mahigit sa tatlong oras, hindi na ito maaalintana dahil sa mga magagandang tanawin.

Pagdating sa pier, kapansin-pansin ang mga taong nakapila upang bumili ng tiket ng bangka o barkong sasakyan patungo sa kani-kanilang destinasyon. Nakatutuwang makita na hindi lamang kapwa nating Pilipino ang buong tiyagang naghihintay ng susunod na biyahe, karamihan pa nga sa kanila'y mga turista na nagmula pa sa iba't ibang bansa.

Pagsakay ng bangka, kapuna-puna ang iba't ibang reaksyon sa mga pasehero. Mayroong nananabik, nangangamba at natutuwa na nakikita sa kanilang mga mata.

Ang bawat hampas ng malalakas na alon ay sinasabayan ng tilian at tawanang tila nagkakaisa. Umabot sa isa at kalahating oras ang paglalakbay sa dagat at sa tindi ng lakas ng alon bawat isa'y basa na bago pa man dumating sa isla.

Ang mga pangamba'y napapalitan ng matinding kasiyahan kapag natanaw na ang pampang ng Puerto Galera. Lahat ay humanga sa ganda nito. Napakalinis ng tubig, wala kahit isang tanda ng kairesposablehan ng mga tao.

Pagdaong pa lang ng bangka ay nakaabang na ang mga residente ng isla, nag-aalok ng mga produktong pangunahin nilang ikinabubuhay dito, tulad ng friendship bonds, nilalang basket, at mga palamuti sa katawan. Mapapansin na lahat sila'y nakauniporme. Kasama umano sa proyekto ni Secretary Richard "Dick" Gordon ng Department of Tourism ang pagsusuot ng naturang damit tuwing araw ng Biyernes, Sabado at Linggo.

Bukod sa kagandahan ng mga produkto at pagkakaisang ipinakikita ng mga tao rito, malaking bahagi rin ng kanilang pag-unlad ang paraan ng pagtanggap nila sa bakasyunista.

Kakikitaan ng paggiliw ang mga tao rito habang inaasikaso ang pangangailangan ng mga taong nagpupunta sa lugar nila. Dahil hindi lang Pilipino ang dumarayo sa isla kung kaya nagsisilbi ang mga restawran dito ng mga pagkaing nagmula pa sa ibang bansa. May mga putaheng nagmula pa sa Italya, Thailand, India at Pransya. Napag-alaman namin na ang ilan sa mga "chef" o taga-luto rito ay nagmula pa sa bansang Pransya kung kaya maraming putaheng kakaiba ang naiihain sa mga turista.

Pagkatapos magpahinga, matatanaw na ang mga bakasyunistang nagtatampisaw at lumalangoy sa malawak at napakalinaw na dagat. Ang ilan naman sa kanila'y nag-eenjoy sakay ng "banana boat" o kaya nama'y naglilibot gamit ang jet ski. Marami rin sa mga turista ang dumayo sa isla para sa "Scuba diving" o pagsisid sa malalim na bahagi ng dagat.

Bukod umano sa kaakmaan ng lugar, dagdag pang-akit din sa mga tao ang mahuhusay at ekspertong maninisid (diving masters/instructors) ng Puerto Galera na gumagabay sa mga "scuba divers" patungo sa pinakamagandang parte ng dagat na puwede nilang marating.

Eksperto man o baguhan sa pagsisid ay walang dapat ipangamba dahil may isang samahan na nagbibigay ng iba't ibang panuntunan para sa kaligtasan ng bawat maninisid (divers).