Kabayan Pinoy
Dangal ng Mansaka

MINSAN nang nilisan ng isang Mansaka na ito ang kanyang tribo dahil sa kahirapan at nakipagsapalaran sa siyudad pero hindi nagtagumpay. Sa kanyang pagbabalik sa kanilang nayon, nag-asawa siya ng isang Leytena na labag sa kagustuhan ng kanyang mga magulang.

Sa tribo Mansaka, kaugalian na ang mga magulang ang namimili ng mapapangasawa ng kanilang mga anak, lalo pa at siya ang panganay sa 12 magkakapatid. Sinunod ni Arnulfo "Iboy" Lumuos ang kanyang puso kung kaya't hindi siya binigyan ng lupa ng kanyang mga magulang at sa halip ay naging tagahanap siya ng tuba (coconut wine) sa lupa ng kanyang ama.

Matapos ang mahabang panahon ng paghihirap, tumira si Iboy sa Sitio Cambaoto sa Amorcruz, bayan ng Laak, Compostela Valley at hindi inaasahang isang araw ay ipagmamalaki siya ng kanyang pamilya at tribo.

Ginawaran siya kamakailan bilang natatanging magsasaka sa provincial level ng Gawad Saka Award ng Department of Agriculture.

Nagbalik-tanaw si Iboy noong mapilitan siyang tumigil ng pag-aaral pagkatapos ng Grade 4 dahil sa hirap ng buhay at napilitang tumulong sa ama sa pagsasaka.

Sa edad 16, pumunta siya sa Davao City kung saan iba't ibang trabaho ang kanyang napasukan-matadero, kargador at jambolero.

Sa isa sa kanyang pagbisita sa kanilang nayon, nakilala niya at pinakasalan si Thelma Maniligis na mula rin sa pamilya ng mga magsasaka. Labag sa kalooban ng mga magulang, napilitan siyang magtrabaho bilang tagakuha ng tuba. Kumikita siya noon ng P36 isang araw.

Pagkatapos kumuha ng tuba, ginagamit niya ang bakanteng oras sa pagsasaka ng lupa ng mais ng kanyang ama. Taong l977, nakabili siya ng ektaryang lupa ng mais mula sa kanyang naipon.

"Ayaw kong maranasan ng aking mga anak ang naranasan kong hirap kaya't inipon ko ang bawat sentimo na maiipon ko," sabi ni Iboy.

Di naglaon, lumawak ang kanyang taniman ng mais kung kaya't itinigil na niya ang pagkuha ng tuba at ibinuhos ang oras sa pagtatanim.

Taong l981, nabili ni Iboy ang kalapit na taniman ng mais at mula rito ay nagdagdag na siya ng pananim tulad ng kape, kalamansi, bilaka, saging, lanzones durian at iba pa.

Dahil sa kanyang husay sa pagtatanim at angking galing sa pagnenegosyo, mayroon na siya ngayong 40 tauhan na katulong niyang nagpapalago ng kanyang negosyo.

Rey O. Castardo/PNA