Folklore at Wika

Ni Pamela Constantino, PhD
Source:  KabayanOnline

DAPAT gamitin ang makabagong teknolohiya para mapareserba ang kuwentong-bayan, awiting-bayan at mga akda at sulatin sa mga katutubong wika.

Ito ang dahilan kung bakit hindi pa rin dapat katakutan, bagaman hindi rin dapat balewalain, dahil maraming kamalian, ang pahayag ni GMA kamakailan na gawing primary medium ang English, ang tinatawag nilang global lingua franca.

Matagal na tayong nasa ilalim ng globalisasyon sa anyo ng kolonisayon, dispora o migrasyon, at ekonomikong globalismo. Mula pa noong ika-16 na siglo hanggang sa ngayon. Napailalim na tayo sa mga makapangyarihang bansa tulad ng Espanya, Amerika, Hapon; nakikipagkalakalan na tayo sa iba't ibang lahi at lipi; nasa iba't ibang panig na ng mundo ang ating mga kababayan para manirahan at magtrabaho; marami ng korporasyong multinasyonal ang matagal nang nagpapalakad ng negosyo rito; at hindi na bago sa atin ang mga terminong Pilipinas 2000, privatization, oil deregulation, Worldbank, CNN, coke, McDonald's, import liberalization, at iba pa; at mula pa sa pagpapalit ng siglo ay ginagamit na at pangunahing midyum ng edukasyon at opisyal na komunikasyon ang Ingles.

Sa kabila nito, naghihirap pa rin tayo. Patuloy pa ring ipinaggigiitan ng mga opisyales natin na gamitin ang Ingles. Patuloy pa rin at lalong sumasama ang Ingles na naririnig at nababasa natin. Patuloy pa ring isinisisi sa wikang pambansa at mga wika sa Pilipinas ang mga kakulangang ito. Patuloy pa ring itinuturo ang Cinderella, Red Riding Hood, mga akda ni Shakespeare, Faulkner, Emerson, EE Cummings sa halip na mga istorya ni Pusong, at mga pakikipagsapalaran ng mga epic hero mula Luzon,Visayas at Mindanao. Patuloy pa ring natatakot ang mga tao tuwing ipapahayag ng mga pangulo ng Republika ang pagsuporta sa Amerika at sa wika nito.

Dahil dito, patuloy pa ring naniniwala sa kulam, tiyanak, milagro at pamahiin ang mga Pilipino. Patuloy pa ring umiiral ang fiesta complex na makikita sa hilig sa mga buffet, piyesta, reception sa kasal, binyag, parti, patuloy pa ring umiihi sa mga tabi-tabi at mga bakod ang mga lalaki; patuloy pa rin tayong nagbabahog ng ulam sa kanin at isinasabay ang dessert at soup sa main dish, patuloy pa ring dinurumog ang mga pelikulang pantasya at sobrang nagpapatawa o kaya'y nagpapaiyak; patuloy pa ring tinatambakan natin ang ating mga bahay ng kung anu-anong dekorasyon at ang mga dingding ng gusali ng kung anu-anong sulat; patuloy na hinahangaan natin at sinasabayan ang mga kantang maraming melodya at pababa-pataas, ang tono at ukol sa mga pangarap, pag-ibig, at paghati sa buhay; patuloy pa ring magkukuwento ang mga lola/lolo, nanay/tatay tungkol sa mga bayani ng kani-kaniyang bayan at baryo, patuloy pa ring tinatangkilik ang hamburger at spaghetti na manamis-namis ng Jollibee, at walang kamatayang Chocnut sa kabila ng nagtatambakang Hershey's at Cadbury; patuloy pa ring kinakanta ang saliddumay, baleleng, parang sabil na sinasaliwan na ng modernong tunog; at patuloy pa ring ginagamit ang mga katutubong wika sa mga pang-araw-araw na gawain at maging sa dyaryo, radyo at telebisyon.

Kaya, ano ang bago rito? Hanggat patuloy na naghihirap ang mga mamamayan at lumalaki ang pagitan ng mayaman sa mahirap; hangga't may SM, Ever, Starmall na mapu-puntahan ng mahihirap at Shangri-La, Rustans at Rockwell na kaya lang puntahan at bilhan ng mayayaman; hanggat nakatira pa rin sa kariton ang maraming mamamayan at sa naglalakihang mansion naman ang mayayaman, at hangga't parang pulubing namamalimos sa mauutangang banyagang ahensya ang ating mga opisyal na di naman nagagagamit para sa mga mamamayan, patuloy pa rin tayong ganito. Ganito tayo noon, ganito pa rin tayo ngayon. Etnik, nasyonalistik, mapamahiin, mapagpaniwala sa engkanto, sa placebo at kung anu-ano.

May positibong nagagawa ito. Nananatili tayong nagkakaintindihan sa sarili nating paraan at sa sarili nating panitikan at wika. Dapat nating samantalahin ito para ituro ang mga kaalaman, siyentipikong oryentasyon at teknolohikal na inobasyon sa wikang magpapalaya sa ating kaisipan. Ayon nga kay dating Presidente Emil Javier ng UP, sabayan natin ito ng pangangalaga sa ating mga pagpapahalagang etikal na nananatiling nasa atin sa kabila ng mga pagbabago ng sibilisasyon. Magagawa ito ng pag-aaral at pagtuturo ng ating mga literature nakasulat man o oral. Magagawa natin ito sa kabila at sa gitna ng globalisasyon.