Bawal nang manigarilyo

ni Ma. Theresa Torres

 


Isa si Jimmy Pulido, 13,
na nagninigarilyo na kahit sa murang edad.   
MAX PASION

PAGKATAPOS ng pitong taon, ang batas na magbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar ay nilagdaan na kahapon.

Pinirmahan ni Pangulong Macapagal-Arroyo ang Republic Act 9211 na kilala rin sa tawag na Tobacco Regulation Act of 2003 na naghudyat sa pagiging una ng Pilipinas sa pagsunod sa kampanya ng World Health Organization (WHO) na bawasan ang paggamit, pagbenta at pag-anunsiyo ng mga nicotine product.

Ang bagong batas ay nag-aatas ng mahigpit na pagtupad ng smoking ban sa lahat ng pampublikong lugar kasama ang mga sumusunod na lugar:

o Sentro ng mga pinupuntahan ng mga kabataan tulad ng mga palaruan, preparatory schools, elementary schools, high schools, colleges at unibersidad, youth hostels at recreational facilities sa mga taong may edad 18 pababa;

o Elevators at stairways;

o Sa mga lugar na may fire hazards kasama ang mga gas stations at storage areas para sa mga flammable liquids, gas, explosives o combustible materials;

o Sa mga building at palibot ng public at private hospitals, medical, dental at optical clinics, health centers, nursing homes, dispensaries at laboratories;

o Public conveyances at public facilities kasama ang airport at ship terminal, train at bus stations, restaurants at conference halls; at sa mga pinaghahandaan ng pagkain.

Base rin sa bagong batas, simula 2007, ang pag-aanun-siyo ng sigarilyo ay ipagba-bawal sa telebisyon, cable television at radyo.