Abel Iloco, ipinagmamalaki

Ipinagpatuloy ng Department of Tourism (DOT) ang pagdala ng pagpapakita ng sari-saring palabas sa mga tagapagtaguyod ng Visit Philippines 2003.

Itinampok kamakailan ng Region I sa "Best of the Region in Intramuros" ang Abel Iloco bilang clothing centerpiece.

Layunin ng naturang fashion show na ipakilala ang "abel" - isang salita sa Ilokano na ang ibig sabihin ay hand woven cloth na maaaring gamitin sa industriya ng damit at tela upang makalikha ng maraming trabaho para sa mga humahabi ng tela, lalo na sa rehiyon ng Ilocos.

Ipinakikita ng kasaysayan na ang Paoay ay nakagawa ng maraming abel sa isa sa mga lugar ng amianan o hilagang Ilocos tulad ng industriya ng paghahabi ng tela sa Paoay noong panahon pa ng pananakop ng Kastila. Ang Abel Iloco ay mas kilala sa mga kulambo, punda, kumot, kurtina at iba pang gamit sa bahay. Noong panahon ng Kastila, ang mga manghahabi ng Paoay ay naging malikhain sa paggawa ng iba't ibang disenyo. Pinasikat nila ang mga disenyo ng isda para sa pangingisda at mais para sa pagtatanim. Marami ring ubas na disenyo sa mga napkins, mantel at punda.

Sa ngayon ang paggamit ng abel sa mga industriya ng fashion ay napapanahon na. Ipinakita ng mga sikat na fashion designer mula sa rehiyon tulad ni Danny de la Cuesta, Edgar Madamba at Gregg Centeno, na maaaring malampasan ng telang abel ang iba pang klase ng mga tela mula kumot, costumes at damit pang-pormal sa kaswal na moda ng pananamit. Ipinakita sa palabas ang iba't ibang gawa ng abel gaya ng abel piņa, abel silk, at abel cotton. Karamihan sa produkto ng abel ay umunlad mula noon hanggang ngayon, ang kulay ay nakisabay din sa pagbabago at tanggap ng marami-mula sa mga early print na pula, berde at asul, ngayon meron nang ibang kulay ang abel mga pastel, earth color at mga acid bright.

Ang mga telang Abel Iloco ay ini-export sa ilang parte ng Europe, Estados Unidos at Japan.