anabnr2.gif (15838 bytes)

Basahin ang sulat sa ibaba tungkol sa pangingibang bansa ng mga Pinoy.  Sagutin ang mga tanong pagkatapos basahin ang gawin din ang mga iba pang gawain sa ibaba.

 

Si Juan sa ibang bansa
Source:  Kabayan Online

Dear Editor,

MALUGOD na pagbati sa inyo!

Kung hindi ako nagkakamali ay umaabot sa 2,500 ang mga Pinoy na umaalis sa
ating bansa araw-araw sa pag-asang sa ibang bansa makahanap ng suwerte.
Kahit saan ka lumingon ngayon, masasabing karaniwang usapin ng mga tao
ngayon ang kalagayan nila sa buhay. Madalas ay may kinalaman sa trabaho
ang pinag-uusapan ng mga tao. Kung hindi kawalan ng trabaho, o mga hinaing
sa trabaho ang usapin, ay ang kanilang mga sentimyento hinggil sa pagnanais
nilang makamit ang inaasam nilang sahod upang pantustos sa sarili at sa
kanilang mga pamilya.

Ibat-ibang paraan ang pinapasok ng mga tao ngayon upang kumita ng pera o
kaya naman ay makasapat ang kinikitang salapi. Patok ngayon ang TV game
shows dahil sa "instant money." Marami ang naghahangad nito kaya marami
ang nanonood upang makita ang posibilidad na manalo at kung gaano ito
katotoo. Walang duda na marami rin ang sumasali.

Hindi na rin nakagugulat, kung si Teacher ay patuloy sa pagtitinda ng mga
tocino, longganisa at iba pa sa eskwelahan. Hindi na niya kailangang gawin ito
nang patago. Mas marami ang nakaiintindi ngayon sa ganitong klaseng
hakbang. Mas praktikal ika nga.

Sa mas maraming Pilipino naman, nahihikayat sila na mangibang-bansa sa
pag-asang maisalba ang kanilang mga pamilya mula sa kakulangan, kung hindi
man kawalan, ng oportunidad na umasenso sa sariling bayan. Animo'y kahit na
may piring sila sa mata na hindi makita at alam ang kanilang haharaping
karanasan sa ibang lupain ay handa silang sumabak dito. Masakit ang umalis sa
bansa, ang iwan ang kanilang mga mahal sa buhay at makulob sa pangungulila.
Ngunit masisisi ba sila? Marami ngayon ang nakauunawa at nakaiintindi sa
kanila. Hindi rin kataka-taka kung bakit tinagurian silang mga kasalukuyang
bayani. Hindi lang sa remittance sa bansa kundi dahil sa lakas ng loob upang
suungin ang mga hirap ibang bayan.

Subalit hindi lahat ng oras ay masasaya ang mga kuwento ng buhay OFW. Ilang
kuwento na ba ang inilahad hinggil sa mga OFW na inabuso? Ilan ang iniuwing
malamig na bangkay sa loob ng mga lalagyang yari sa kahoy? Ang iba nga ay
hindi pa nakaaalis sa bansa ay naisahan na sila ng illegal recruiters. At mga
banyaga kundi kababayan pa ang nanlilinlang sa kanila.

Tama ang ginagawa ng pamahalaan na papaghusayin pa ang mga ahensiya na
kumakalinga at dumudulog sa mga kababayan nating nangingibang-bayan at sa
kanilang mga pamilya sa kanilang mga hinaing, gaya ng POEA. Naglalabasan
rin ang huwad na caregiving centers na layong pagsamantalahan ang
pagpupunyagi ng mga ibig mangibang bansa.

Sana ay gawan din ng paraan ito ng pamahalaan. Sana, sa pagpupunyagi ng
mga kababayan nating handang magsakripisyo, ay masuklian ito ng ating
gobyerno. Dahil sa bawat umaalis ay nangangahulugang tulong ito sa bayan.
Sana ay magpunyagi rin ang pamahalaan na mailagay sa legal at wasto...sa
panig ng mga OFW at sa panig ng pamayanan.

Lubos na sumasainyo,
Ernesto Macawig
Banawe, Quezon City