anabnr2.gif (15838 bytes)


Basahin at pakinggan ang mga alituntunin ng mga larong kalye sa Pilipinas.   Isalin sa Tagalog ang mga laro sa Amerika. Halimbawa, baseball, soccer, football at iba pa.

bata't_gagamba1.JPG (37263 bytes)bata't_gagamba3.JPG (42234 bytes)bata't_gagamba2.JPG (33065 bytes)

Larong Kalye
ni Relly Carpio
Kabayan On Line



Mataya-taya ("Tag" sa Ingles)

Ito ang alituntunin. Isa ang taya. Hinahabol niya ang lahat ng hindi.Kapag
nahawakan ang ibang tao at nasabihan nang "Taya!" siya naman ang taya.
Pinakasimple ito sa mga larong kalsada. Sobrang daming takbuhan ang nasa
larong ito na imposibleng walang madapa. Kailangang sabihin ang salitang
"taya" paghawak sa ibang manlalaro kung hindi, walang bisa. Madalas sa
larong ito ay hindi titigil ang mga bata hanggang walang bumabagsak sa
sobrang pagod kahahabol.

Mayroon din itong espesyal na alituntunin. Ang isang magandang natutunan
kong alituntunin sa mataya-taya ay ang "walang balikan." Ibig sabihin, kung
sinuman ang tumaya sa iyo ay hindi mo puwedeng tayain pabalik. Ang
puwede lang muling tumaya sa kanya ay ang matataya mo, at lahat ng
susunod. Ito ay para makapahinga naman ang katatapos lang na taya. Para
tumagal ang laro, tsaka para hindi mangyari iyung "taya, taya, taya, taya,
taya, taaaa … yaaaa!"

Habulang Estatwa

Pareho ito nang mataya-taya pero kung sino man ang mataya ay kailangang
maging estatwa, hindi siya puwedeng gumalaw kundi ay siya ang magiging
taya. Ang sigaw ng mananaya ay "estatwa." Pero ang pinagkaiba ay sino
man na hindi pa estatwa ay puwedeng hawakan ang nataya na, para
matanggal ang kanyang pagiging estatwa. Kailangan lang niyang hawakan ito
habang isinisigaw ang "bato!" at makatatakbo na silang uli.

Madalas ay ang taya, pag may isang na-estatwa na ay babantayan na niya
ito. Habang lahat ng iba ay pinipilit na sagipin ang kawawang isang
na-estatwa. Kaya ang maririnig ay ang sunud-sunod na
"estatwa-bato-estatwa-bato-estatwa-tatwa-tatwa -bato-tat-bato-wa-bato;"
habang naghahabulan sila paikut-ikot sa isang manlalaro na nagpupumilit na
hindi gumalaw para hindi maging taya.

Dalawang paraan lamang ang puwedeng maging rason para magbago ang
taya - ang isang na-estatwa ay napagod at gumalaw o may na-taya na hindi
makatigil kaagad. Pero madalas sa larong ito, kapag ikaw ang taya ay
malabo nang mapalitan ka pa.

Monkey-annabelle naman ang tawag sa habulan, pero pareho rin. Ang
pinagkaiba ay ang paggamit ng kanta, at pagturo paikot sa mga manlalaro,
para mahanap kung sino ang taya. At ang paggamit ng "monkey!" para
makapang-estatwa at "annabelle" para makapagpakawala.

Langit-Lupa

Pareho rin ito ng mataya-taya. Pero may paraan para hindi ka puwedeng
mataya. Tumapak ka lang sa kahit anong bagay na mas mataas kaysa sa
isang dangkal nang taya at sabay sigaw ng "langit." Imbes na "taya" ay
"lupa" ang gamit ng nanghahabol.

Madalas, pag lahat ng hindi taya ay nagsisampahan sa iisang lugar, ang taya
ay naghihintay kung sino ang unang babagsak. Halimbawa, mula sa puno.
Pag may nataya, ay kailangan na kaagad makatakbo ang nantaya. May
balikan din sa larong ito. Kaya hindi lang dapat magaling mantaya ang taya,
kailangan ay maliksi siyang makahanap ng akyatan.

Taguan (hide-and-seek)

"Tagu-taguan, maliwanag ang buwan, masarap maglaro sa dilim-diliman..."
iyan ang kanta nang taya. Simple lang, pag may napili ng taya, pipili ang
mga manlalaro ng "base." Dito haharap ang taya at ipapatong ang kanyang
mga braso at tapos ay ididikit niya ang kanyang mukha sa braso niya para di
niya makita kung saan magtatago ang mga ibang manlalaro. Sasabihin niya
ang kanta sa taas tapos bibilang ng 10 kung malapitan lang ang taguan o 20
iyung malayuan. Habang nagbibilang ang taya ay dapat magtago ang lahat.

Makatapos magbilang ay isisigaw niya nang patanong ang "game?" Ang mga
nagtatago ay dapat na sumagot ng "game!" o "di pa!" Kung walang sagot,
parang "oo" na rin iyon. Hahanapin ngayon ng taya ang mga nagsipagtago na
niyang mga kalaro.

Habang ginagawa ito ng taya ay may dalawang puwedeng gawin ang mga
nagtatago. Kung maiiwasan nilang makita sila ng taya ay puwede nilang
takbuhin ang base, hawakan ito at sumigaw ng "save!" para hindi na sila
mataya. O kaya'y magtago sila hanggang may ibang makita.

Pag may nakita ang taya ay dapat niyang isigaw ang "Bong!" at ang
pangalan ng kanyang nakita (hal. Bong! Alfred!). Ngayon ay uunahan na niya
ang taya at ng nataya pabalik sa base. Sino man ang mahawakan ng una
ang base at makasigaw ng "save!" ay ang siyang hindi taya.

Patintero

Sikat ang patintero sa ibang mga parte nang Asya. Tinatawag din ito na
tubig. Ito ang isa sa pinakamagandang laro na puwede sa kalye, lalo na sa
siyadad kung saan may mga linya na sa daan. Sa probinsiya kasi ay
kailangan pang gumamit ng istik para sulatan ang lupa o markahan ng tubig
ang paglalaruan. Problema doon sa probinsiya ay kailangang sulat ka nang
sulat sa lupa. O kaya'y di kalaunan naman ay magpuputik na sa laruan at
magiging madulas na masyado. Pag umulan pa eh, hindi ka na puwedeng
maglaro.

Ang paglaro nang patintero ay: dalawang grupo; maglalaban sa isang kalye;
ang utos, walang pwedeng makadaan at makabalik.

Makatapos mag grupo nang dalawa at malaman kung sino ang taya ay
kakalat ang mga taya sa mga linya. Isang tao kada linya at may isang nasa
gitnang linyang pahaba na tinatawag na patotot. Ang patotot ang naatasan na
kulungin ang unang pasok ng grupo at tayain ang sinumang magkamaling
bumanda at magtagal sa gitnang linya.

Ang kailangang magawa nang manunugod, para makapuntos, ay may isa sa
kanilang makalusot sa lahat ng manghaharang at makabalik sa pinagmulan
at sumigaw ng "tubig!" Pag nagawa ito ay hindi magpapalit ng taya at simula
uli ang laban.

Pag may isang nataya sa mga manunugod ay palit ng pwesto. Pero, para
makataya ay dapat na nakatayo sa linya ang mananaya. Pag hindi
nakatapak o nakapuwesto ang katawan ng mananaya sa ibabaw ng linya ay
walang bisa ang pagtaya.

Pag may manunugod na lumampas sa linya sa gilid o "mag-out" ay parang
nataya na rin siya.

Agawan-base

Tinatawag din na moro-moro, ito ay isang bruskong laro, madalas ang
magkasakitan dito. Moro-moro ang tawag dahil ang isang grupo ay ang mga
moro at ang kabila ay ang mga kristo (muslim-christian), pero hindi naman
talaga importante kung sino ang sino. Kailangan din ay medyo marami ang
mga manlalaro, kung masyadong kaunti ay walang manghahabol,
manunugod, at magbabantay sa base.

Ang kailangang gawin ay "agawan" nang isang grupo ang kabila ng base sa
pamamagitan nang paghawak o pagtapak dito.

Kaso, hindi ito madali, dahil ang base ay nagbibigay sa mga miyembro nito
ng "lakas." Kung sino man ang huling nakahawak sa base niya ay ang
siyang may lakas na manghuli ng sino man na mas naunang umalis ng base
nila. At sino man ang mahuli ay dadalhin sa base para maging bihag.

Para makatakas ang bihag ay kailangang "maka-base" ang kanilang kampo.
Para rin itong mataya-taya, kailangang isisigaw ang "taya" kada may
mataya. Pero ang sino mang mataya ay nagiging bihag.

Tapos, sino mang bihag ay magiging parte ng base na nanghuli sa kanila,
hangga't siya ay nakahawak o nakatapak dito. Kada bihag ay nangpapalaki
ng base ng nakakahuli, at nagiging mas mahirap bantayan. Mula sa isang
bato o hollow block na base ay lumalaki ito sa kung ilang bata ang nahuli
nang bihag.

Kaya pag may nag-aagawang base ay may mga batang halos nakadapa sa
daan na pilit na inaabot ang kanilang kampo, habang sila ay magkakahawak,
at ang nasa kampo nang nambibihag ay nakadikit sa base.

Pag may kagrupo nang mga bihag ang naka pasok sa depensa nang
mambibihag at nahawakan ang kanyang kasamahan na nabihag bago siya
mataya, ito ay tinatawag na naka-base. At siyempre may kaantabay na
sigaw yan, "base!"

Puntos ito sa naka-base, at balik lahat nang nabihag sa kanilang mga kampo
at ulit na naman ang habulan.

Mahirap na basta magpahuli nang magpahuli nang kasamahan. Kahit
dumadali ang pag-aagaw nang base ay dahil lumalaki ang kampo ng kabila
ay dumadali din para sa mga miyembro nang kampo nito na kumuha nang
"lakas." Habang lumalaki ay dumadali para sa nakakahuli ang makalapit
nang mabilisan sa base na halos wala nang bantay at maka-base para
makapuntos.

Mahirap makahuli nang base. Lalo na pag naiikutan pa ito nang mga bantay
at manhahabol. Pero dito lumalabas ang ganda nang agawan base. Natututo
ang mga bata nang pag-iisip at kung paano gagamit nang tauhan para may
makuhang minimithi.

At siyempre, natututo din ang bata kung paano humiga sa gitna nang daan
sa kasagsagan nang init nang araw.