buko.jpg (14559 bytes)

Sagot ang coconut flour sa lumalalang
problema sa kalusugan partikular sa
pag-iwas sa pagtaas ng kolesterol at
asukal sa dugo. FILE PHOTO

Buko kontra sa diabetes
nina Jefferson Antiporda At Kristine Ann M. Velasco

SA halagang 79 na sentimo lamang araw-araw ay maaari nang makaiwas sa
mga nakamamatay na sakit tulad ng sakit sa puso at diabetes.

Ito'y makaraang ilunsad ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI) ng
Department of Science and Technology (DoST) kamakailan ang
pinakabagong produkto na makatutulong nang malaki sa mga taong may
diabetes o mataas na antas ng kolesterol sa murang halaga lamang.

Posibleng sagot ang "coconut flour" sa lumalalang problema sa kalusugan
partikular sa pag-iwas sa pagtaas ng kolesterol at asukal sa dugo.

Ayon kay Dr. Trinidad Trinidad ng FNRI-DoST at project leader, sinimulan ng
kanyang tanggapan na saliksikin ang natatagong galing ng buko o niyog
partikular ang paggawa ng coconut flour o arinang mula sa niyog.

"Mayaman ang ating bansa sa buko o niyog at ito rin ang isa sa mga klase
ng puno na maraming gamit mula sa mismong puno hanggang sa mga bunga
nito," pahayag ni Trinidad.

Nagmula ang coconut flour sa sapal ng niyog. Tinutuyo ang sapal at ipapasok
sa isang Expeller na mag-aalis sa natitirang langis sa sapal. Mula sa
Expeller, lalabas ang coconut flakes na pupulbusin at maging coconut flour.

Pagsasaliksik
Sa pagsasaliksik na sinimulan noong 1999, inalam nila kung paano
maihahalo ang nasabing harina sa ibang mga produkto tulad ng mga tinapay
at sitsirya.

Isinagawa ang pag-aaral sa 21 katao, apat na lalaki at 17 babae, na ang edad
ay nasa pagitan ng 30 hanggang 55. Pagkaraan ng halos tatlong taon,
natapos nitong Hulyo 2002 ang pag-aaral sa dietary benefits ng coconut flour
na unang sinimulan noong 1999.

Bilang project leader kasama ni Dr. Trinidad sa research team ang ilang
kinatawan ng FNRI (Divina Gracia Valdez, Aida Malilin, Anacleta Loyola,
Farida Ascali, Joan Castillo, Rosario Reseba); Philippine Coconut Authority
(Dina Masa); Ateneo Philippine Institute of Pure and Applied Chemistry (Dr.
Modesto Chua at Angelica Maglaya); Unibersidad ng Pilipinas at ang
SIRAWAN Industries.

Benepisyo
Sa kanilang pagsasaliksik ay nalaman nila na ang nasabing harina ay
makatutulong sa pagpapababa ng Glycemic index sa dugo ng tao na
mayroong diabetes.

"Kailangan lamang ng isang may sakit na diabetes na makakain ng 20
hanggang 25 gramo ng naturang harina upang mapababa ang kanyang
glycemic index," paliwang ni Trinidad.

Idinagdag pa nito na bukod sa diabetes ay malaki rin ang tulong ng coconut
flour sa pagpapababa ng kolesterol sa dugo ng tao para naman sa pag-iwas
sa sakit sa puso.

Sa paggamit ng coconut flour ay kaya nitong pababain nang 15 hanggang 20
porsiyento ang kolesterol sa dugo ng tao, ayon kay Trinidad. Katumbas nito
ang epektong ibinibigay ng "oat brand" sa tao subalit ito'y mas mura kumpara
sa oat.

Katulad ng ibang produkto, depende sa niluluto ang dami ng arinang
gagamitin.

Sinabi rin ni Trinidad na ang coconut flour ay maaaring ihalo sa paggawa ng
tinapay o pampalapot.

Sa kanilang eksperimento ay nasubukan nang gamitin bilang pamalit ang
coconut flour. Halimbawa, sa halip na 100 porsiyento ng arina para sa
brownies maaaring gumamit ng 25 porsiyentong coconut flour; limang
porsiyento sa pandesal; 25 porsiyento sa macaroons. Masustanya na ay
makamumura pa.

"Kung regular na gagamit ang mga tao ng coconut flour ay malaki rin ang
maitutulong nito sa pagpapaunlad sa kanyang kalusugan, malaki rin ang
tyansa na mailayo ang tao sa mga sakit kabilang na ang cancer," sabi pa ni
Trinidad.

Ang naturang harina ay makatutulong din sa pagpapanatili ng tamang
timbang dahil sa nagtataglay ng fiber na nakatutulong sa pag-aalis ng
sobrang taba sa katawan ng tao.

"Hindi lamang sakit ang maiiwasan sa paggamit ng coconut flour kundi
makatutulong din ito upang mapanatili ang tamang timbang ng tao, ito'y para
rin sa mga nagpapapayat na tao," sabi pa ni Trinidad.

Available na
Sa kasalukuyan ay ginagamit na ng Bakers Kingdom, isang commercial
bakery sa Cubao, ang naturang harina.

Eksklusibong ipamamahagi ng SIRAWAN, ang coconut flour na may
commercial name na SUNGEE. Mayroong isang taong kontrata sa paggawa
at pagbahagi ng SUNGEE ang SIRAWAN at sa susunod na taon ay
pahihintulutan na rin ang ibang local distributors.